
MANILA – Ipinahayag ng Malacañang noong Miyerkules na nagpakita ng katapangan si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtataguyod ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Matapos hikayatin ni Bise Presidente Leni Robredo ang administrasyong Duterte na maging matapang sa pag-angkin sa landmark ng bansa na arbitral tribunal laban sa China, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag na ito.
“Hindi ko po alam kung anong gusto niyang tapang ipakita pero nagsalita na po ang Presidente—malinaw, matapang sa UN General Assembly: ‘The arbitral ruling is already part of international law.’ Kung hindi ‘yan matapang, ewan ko po kung ano ang matapang,” sinabi ni Roque sa isang press briefing ng Palasyo.
Tinukoy niya kung paano ipinataw ni Duterte ang arbitral ruling sa WPS noong 75th UN General Assembly (UNGA) ng Setyembre sa nakaraang taon.
Inilahad ni Duterte sa kanyang talumpati na ang arbiral ruling ay bahagi na ngayon ng internasyonal na batas.
Sinabi rin ni Duterte na tinatanggihan din ng kanyang administrasyon ang mga pagtatangka na “papanghinain” ang sea ruling na pinapaboran ang Pilipinas.
Kinumpirma ni Roque na ang Palasyo ay hindi na nagulat sa sinabi ng tagapagsalita ng Chinese foreign ministry na si Zhao Lijian sa sagot ng arbitral award noong Hulyo 2016 bilang isang “pirasong papel”.
Inamin niya na mismong si Duterte ang nagsabi na ang arbitral ruling ay hindi malulutas ang Manila-Beijing sea issue.
Gayunpaman, sinabi niya na ang matatag na paninindigan ng Pangulo sa arbitral ruling ay dapat magtanggal ng anumang mga katanungan tungkol sa kanyang posisyon sa kontrobersya.
“Bilang sagot sa sinabi ng spokesperson ng Chinese Ministry on Foreign Affairs, ang tingin po natin ang award ay kabahagi na ng international law,” sabi ni Roque.
Noong Hulyo 12, 2016, ang Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, Netherlands ay nagpasya bilang pabor sa petisyon ng Pilipinas, na sinasabing walang ligal na batayan ang China na igiit ang sinasabing makasaysayang mga karapatan nito sa halos buong South China Sea.
Gayunpaman, nanatiling matatag ang China na tanggihan ang naging desisyon, na tinawag itong “iligal at hindi wasto”.
Samantala, ibinasura ni Roque ang mga bagong ulat na ang mga mangingisdang Pilipino ay pinipigilan ng mga Chinese warship mula sa pangingisda malapit sa Panatag (Scarborough) Shoal sa WPS.
“Well, ito po ang sinasabi ng mga liderato roon, ito po ang sinasabi noong may-ari ng mga bangka – ‘hindi po sila pinipigilan mangisda sa Scarborough’ dahil iyan po ay kabahagi noong desisyon ng arbitral tribunal,” sabi niya.
Sa nasabing panayam, sinabi ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) na si Commodore Armando Balilo na wala pang natatanggap na ulat ang kanyang departamento na pinagbawalan ang mga mangingisda sa pangingisda sa lugar.
Nauna nang hinimok ni Roque ang mga mangingisda na magsumite ng mga reklamo upang kumpirmahing ginugulo pa rin sila ng mga Chinese vessel.