
MANILA — Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules na iniimbestigahan kung ang dalawang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na nadakip sa Taguig City noong nakaraang linggo ay mayroon pang ibang kasamahan sa Metro Manila.
“Sa panig ng PNP, wala tayong nakikitang banta ng terorismo dito sa Metro Manila. Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakaaresto sa dalawang miyembro umano ng Abu Sayyaf sa Taguig. Inaalam pa ng mga imbestigador kung bakit narito sa NCR (National Capital Region) ang mga suspek,” sinabi ni PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar sa isang pahayag.
Pinuri din ni Eleazar ang National Capital Region Police Office, Southern Police District, Taguig City Police, at ang Joint Task Force National Capital Region dahil sa pag-aresto sa mga suspek na sina Taupik Galbun alyas “Pa Wahid” at Saik Galbun alyas “Pa Tanda” sa isang operasyon noong nakaraang Hulyo 10 sa Sitio Imelda, Barangay Upper Bicutan, Taguig City.
Si Taupik ay mayroong mga warrant of arrest para sa anim na bilang ng pagkidnap at illegal detention. Siya ay sinasabing miyembro ng terror group sa ilalim ng yumaong Isnilon Hapilon at Radulan Sahiron.
Sangkot umano siya sa pagpugot ng ulo sa tatlong biktima ng pagkidnap sa Sulu at Basilan.
Samantala, si Saik ay pinaghahanap sa mga paratang ng pagkidnap at illegal detention. Ang dalawang pinaghihinalaan ay inakusahan na kabilang sa pagkidnap sa anim na miyembro ng Jehovah’s Witness sa Sulu noong Agosto 2002 at pagdukot sa tatlong guro sa Zamboanga City noong Enero 2009.
Hinimok din ni Eleazar ang mga tao na ipagbigay-alam kaagad sa pulisya kung may nakikita silang anumang kahina-hinala o kung may impormasyon sila tungkol sa presensya ng isang kriminal sa kanilang lugar.





