
MANILA – Hinimok ng OCTA Research Group noong Martes ang gobyerno na ipagpatuloy ang pagbibigay priyoridad sa National Capital Region (NCR) Plus 8 ukol sa programa ng pagbakuna sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Umapela ang OCTA Propesor na si Ranjit Rye bilang tugon sa panukala ng gobyerno na maghatid ng higit sa tatlong milyong dosis ng mga bakunang Janssen, na ginawa ng Johnson & Johnson, sa mga iba’t-ibang rehiyon, kasama na ang sa Visayas at Mindanao.
“Unang-una, the key to success, a short to medium-term success is to stick to a plan. Mayroon na tayong blueprint, iyong NCR Plus 8. Sana po hindi mabahiran ng pulitika ng mga iba’t ibang influences iyong ating plan. If we stick to that plan, the country will move forward,” sinabi ni Rye sa isang pagtatagubilin sa Laging Handa.
Kasama sa NCR Plus 8 ang Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Metro Cebu at Metro Davao. Ang mga lugar na ito ay tinukoy na pinaka-matao, kaya inilalagay ang mga ito bilang “high risk” sa Covid-19 transmission.
Dahil sa limitadong kakayahang magkaroon ng bakuna, naniniwala si Rye na ang pag-prioritize sa mga lugar ng NCR 8 ay isang mahusay na diskarte sa pagbabakuna,
“And iyong NCR Plus 8 po – kasi po nawawatak – ang fear namin baka nawawala ang focus dito sa NCR Plus 8 po. Ang NCR Plus 8 po, kapag ginawang (priority) ng gobyerno, hindi lang niya tinutulungan ang NCR Plus 8, tinutulungan niya ang buong bansa, kasi babagsak ang Covid-19 cases doon sa lugar na iyon, mabubuksan ang ekonomiya sa mga lugar na iyon. At iyong effect ng dalawang bagay na ito will have an impact all over the country,” sabi ni Rye.
Sinabi ni Rye na kung ang pamahalaan ay ganap na makapagbakuna ng hindi bababa sa 20 porsyento ng populasyon ng Metro Manila sa Agosto, ang quarantine classification ng rehiyon ay maaaring ibaba sa modified general community quarantine (MGCQ).
“The faster we can get as many people vaccinated sa NCR alone, ang laki pong impact for the whole country,” saad niya.
Noong Lunes, 13,196,282 na dosis ng Covid-19 na bakuna ang naibigay sa Pilipinas, ayon sa Department of Health.
Umabot na sa 3,526,342 katao ang ganap nang nabakunahan, habang 9,669,940 ang nakakuha ng kanilang unang dosis noong Hulyo 11.