
MANILA – Ipinahayag ng National Task Force (NTF) laban sa Covid-19 medical adviser na si Dr. Ted Herbosa nitong Huwebes na hindi dapat pababayaan ng Pilipinas ang pagbabantay nito dahil nananatiling isang banta ang Delta variant.
Walang mas mahusay na pamamaraan upang maiwasan ang pagpasok ng coronavirus Delta variant sa bansa kaysa sa pagpapatupad ng mahigpit na mga hakbang sa quarantine at mga border control.
“Ang Indonesia ay katabi lang ng Pilipinas. Napasok sila. Hindi pa sila tapos sa kanilang pagbabakuna. And isa sa mga nakita ko sa nangyari sa kanila eh binaba nila kaagad iyong kanilang quarantine rules. So parang ginawang five days yata so maraming nakapasok na Delta variant,” sinabi ni Herbosa sa isang pakikipanayam sa press briefing ng Laging Handa.
Ayon sa Department of Health (DOH), walang mga lokal na kaso ng Delta variant ang naitala.
“We need to keep our border control strict. Pero aside from that, kailangan tuluy-tuloy pa rin iyong pagsuot ng face mask, face shield at huwag masyadong magpunta sa mga matataong lugar,“saad ni Herbosa.
Binigyang diin din niya ang kahalagahan ng pagpapaigting ng mass testing, contact tracing, at paggamot.
Nauna nang sinabi ng DOH na kung ang mga regulasyon sa kalusugan ay sinusunod nang maayos, ang Delta variant ay hindi dapat maging sanhi ng pangangamba.





