
MANILA – Ang batang naghagis ng bato sa isang bus sa Epifanio Delos Santos Avenue (Edsa) Busway ay namatay matapos na masagasaan ng parehong sasakyan nitong Huwebes.
Sinabi ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa isang post sa Facebook na ang insidente ay nangyari sa Edsa Carousel Lane, sa pagitan ng mga istasyon ng Santolan at Ortigas ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ayon sa mga saksi, ang bus ay patungo sa hilaga bandang 8:30 ng umaga hanggang 9 ng umaga, nang inihagis ng bata ang bato dito, na nagdulot ng ilang pinsala sa kaliwang bahagi ng windscreen nito.
“Akmang tatakbo palayo na ang nasabing bata nang siya ay tumalon palabas ng carousel. Hindi niya naiwasan ang noo’y papabagal na bus at siya’y tumama sa kaliwang bahagi nito. Tumigil naman ang nasabing bus at tumawag ng tulong,” saad ng I-ACT.
Nakasaad na ang mga marshal mula sa I-ACT Dragon, na pinamumunuan ni A/TL Nelson Ty, ay kaagad na tumugon sa eksena, kasama ang iba pang mga emergency unit ng tanggapan mula sa Lungsod ng Quezon, Philippine National Police (PNP), at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
“Sa kasamaang palad, hindi na naabutan pang buhay ang nasabing bata,” ayon sa I-ACT.
Sinabi ng mga ulat na ang driver ng bus ay hindi nagtangkang tumakas sa lugar na pinangyarihan at nakikipagtulungan ngayon sa mga awtoridad sa kanilang pagsisiyasat.
“Lubos na nakikiramay ang hanay ng I-ACT sa mga naiwan ng pumanaw,” saad ng I-ACT.