
MANILA – Kinondena ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang iligal na pagbebenta ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19), na nangyari ilang linggo lamang matapos ibenta ang mga vaccination slot sa Mandaluyong City.
Nauna nang isiniwalat ng National Bureau of Investigation (NBI) na tatlo katao, kabilang ang isang nars, ang naaresto noong Hulyo 2 dahil sa pagbebenta umano ng 300 na dosis ng bakuna na Sinovac.
“This is very alarming. We condemn these acts, and we will not allow perpetrators to go unpunished. I order every relevant authority to investigate this matter thoroughly and press charges accordingly,” inilahad ni Duterte sa isang paunang naitalang pahayag sa publiko na ipinalabas noong Miyerkules.
Nagbabala siya laban sa labag sa batas na pagbebenta ng mga bakunang Covid-19, na sinasabing “sobra siyang sensitibo” sa mga isyu hinggil sa kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino.
“Huwag na huwag ninyo (gawin ‘yan) kasi extra sensitive ako diyan, lalo na – lahat alam ‘yan – lalo na ‘yong para sa mga tao sa lahat. Ilang porsyento lang dito ang mayaman, lahat ‘yan puro mahirap,” saad ng Pangulo.
Ipinaliwanag niya na ang mga bakuna sa Covid-19 ay hindi pa pinapayagang ibenta dahil kasalukuyang hindi ito magagamit para sa komersyo.
“You are not allowed to buy. The government will take care of that. Maski kayong mga ano, mahirapan kayo. So do not press your luck too far. You might regret it. Warning ko lang sa inyo ‘yan,” sabi niya.
Sinabi ni Duterte na ang lahat, mayaman man o mahirap, ay dapat bigyan ng libreng bakuna sa Covid-19.
“Again, let me reiterate to everyone: The Covid-19 vaccines given by the government are not for sale. They are given to our poor people for free. Not only to the poor but to the rich so they opt to have vaccinations in the vaccination centers,” saad niya.
Ayon sa mga ulat, si Alexis de Guzman, isang nars sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Maynila, ay naaresto sa isang entrapment operation sa Lungsod ng Quezon.
Si Calvin Yeung Roca, isang Filipino-Chinese, at Kour Singh ay naaresto kasama si De Guzman.
Sinabi ng NBI na kasama sa mga kliyente ng mga suspek ang mga Chinese na empleyado.
Ayon kay Vince Dizon, deputy chief implementer ng National Task Force Against Covid-19, ang Pilipinas ay nagkaloob ng 12 milyong dosis ng mga bakuna laban sa Covid-19 mula noong Martes.
Inaasahan ng gobyerno na makamit ang proteksyon ng populasyon sa pagtatapos ng taon sa pamamagitan ng pagbabakuna sa 40% hanggang 50% ng populasyon, na may pagtuon sa mga pangunahing lugar.