
MANILA – Iminungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes na ang hindi nagamit na pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) ay gagamitin upang bayaran ang pasilidad para sa kwarentenas ng lahat ng nagbabalik na mga Pilipino o returning overseas Filipinos (ROF).
Binanggit ni Duterte ang ideya ng pagbabayad para sa mga gastusin ukol sa kuwarentenas ng mga ROF sa kanyang paunang record sa Talk to the People sa Davao City, at idinagdag na marami sa kanila ang umuwi dahil nawalan ng trabaho.
“Congress appropriated so much money for Bayanihan [2]. I think if may residual pa diyan naiwan, it behooves upon the government to pay for the sequestration expenses of every returning Filipino,” sinabi niya.
Tiniyak ni Duterte na ihahanda ng gobyerno ang tirahan ng mga ROF sa lalong madaling panahon.
“I am ordering now everybody including the government units i-hotel nila o ano man, babayaran ng national government ‘yan. As to when there is money and we will do it as fast as we can,” sinabi niya.
Sinabi rin niya na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ay maaaring mapabilis ang proseso upang matiyak na ang lahat ng mga ROF ay makakakuha ng maayos na matutuluyan sa panahon ng kanilang kuwarentenas.
“Maybe the DSWD will take care of that or the DILG para mabayaran. I will order to hasten para mawala yung dynamics about the expenses of keeping them in sequestration,” idinagdag niya.
Sa isang kamakailan lamang na press conference ng Palasyo, kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang PHP18.4 bilyon ay nanatiling hindi ginagamit sa ilalim ng Bayanihan 2.
Gayunpaman, sinabi ni Roque na aalamin pa niya kung magpapatawag si Duterte ng isang espesyal na sesyon upang mapalawak ang legalidad ng batas.
Ang Bayanihan 2 ay pinalawig hanggang Hunyo 30 ng taong ito matapos itong mag-expire noong Disyembre 19, 2020.