Roque: Mga nasa priority list na tatanggi sa available na Covid-19 vaccines, mawawalan ng prayoridad

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Ang mga senior citizens at mga may health risks na tumangging magpaturok ng mga available na Covid-19 vaccines ay mawawalan ng prayoridad sa vaccination program, diin ng Malacañang noong Martes.

Tanging mga health workers, na nasa tuktok ng priority list, ang bibigyan ng palugit para sa mga pipiliing bakuna, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Hindi umano pipilitin ng gobyerno ang sumusunod na priority groups – mga may edad at mga may comorbidities – na gamitin ang available na mga bakuna.

“Pero matatapos na po iyong kaniyang prayoridad. Kumbaga, back to the end of the line. That’s only fair,” paglilinaw ni Roque sa isang press briefing. 

Binanggit ni Roque ang inilabas na survey kamakailan ng Social Weather Stations (SWS) kung saan 39 percent ng respondents ang kumikiling sa bakunang gawa ng Beijing-based na Sinovac Biotech, habang 32 percent naman ang kumikiling sa bakunang gawa ng US-based na Pfizer.

Ipinakita rin ng parehong survey na 63 percent ng mga Pilipino ang mas gusto ang mga Covid-19 vaccines na gawa sa Estados Unidos.

Aniya, “Naiintindihan naman po natin ‘yan. Talaga namang sa ating kasaysayan, ang mga Pilipino ay mas humahanga sa mga [galing] stateside.”

Subalit, sinabi rin ni Roque na nananatiling kulang ang suplay ng US vaccines, habang dumarami ang Covid-19 variants.

“Bagama’t mayroon tayong preference sa stateside, unahin na po muna natin ang ating mga buhay, ang buhay ng ating pamilya, ng ating komunidad. Magpabakuna na po kung ano available,” wika ni Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING