
Naghihintay ang Philippine Red Cross (PRC) sa abiso ng Food and Drug Administration (FDA) bago magdesisyon hinggil sa pinaplano nitong clinical trials para sa anti-parasitic drug na ivermectin bilang pangontra sa Covid-19, ayon kay PRC Chairman Sen. Richard Gordon noong Biyernes.
Hiningi ng Department of Science and Technology ang paggamit ng mga isolation facilities at mga pasyente ng PRC para sa pagsasagawa ng nasabing pag-aaral, ani Gordon.
Aniya, “Sabi ko, I will consider it first. Papayag lang ako ‘pag sinabi ng FDA, sinabi ng let’s say mga informed scientists, ‘Sige i-test mo walang makakasama diyan’ at kung papayag ang tao.”
“I will wait for advise. ‘Pag science ang kailangan, I always marry the science with the prospective cure. I cannot decide because ang scientist ang nakakaalam. Maraming laboratoryong kailangan, maraming karunungan ang kailangan dyan na hindi malalaman ng isang abogadong katulad ko,” dagdag pa ni Gordon.
Magsasagawa ang gobyerno ng walong buwang clinical trial simula Hunyo upang determinahin ang efficacy ng ivermectin laban sa Covid-19.
Ayon naman kay Science Secretary Fortunato dela Peña, ang ivermectin ay gagamitin sa 1,200 asymptomatic at non-severe na mga Pilipinong Covid-19 patients, na edad 18 pataas.
Ang nasabing trial ay nagkakahalaga ng P22 milyon, kung saan babayaran ito ng Department of Health.