
Pinagbantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules na “bibitayin” si dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario, na naghimok sa Pangulo upang tumindig laban sa China kaugnay ng sigalot sa West Philippine Sea.
Ayon kay Duterte, nawala umano sa Pilipinas ang Scarborough Shoal nang paalisin ni Del Rosario ang mga barko ng bansa noong 2012, nang magkaroon ng standoff sa pagitan ng Pilipinas at China.
Aniya, “Ikaw Alberto, bakit mo pinaatras? Kaninong permission ka naghingi? Ngayon kung wala kang maibigay, p***** i** mo, ‘wag mong ibigay sa akin ang kasalanan mo.”
“One day you will be tasked to answer for that, iyang pag-order dapat imbestigahan ka. I don’t know what will be the history of this country because if I were a leader anymore, I will execute you by hanging,” dagdag pa ng Pangulo.
Ayon naman sa dating kalihim, bumuo ng kasunduan ang US na wakasan ang 2012 standoff sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga barko ng China at Pilipinas.
Gayunpaman, hindi umano tumupad ang China dahil hindi nito pinaalis ang “30 or more ships.”
Sa ilalim ni dating Pangulong Noynoy Aquino, isinulong ni Del Rosario ang pagsasampa ng arbitral case kontra China. Pumabor naman ang arbitral court sa Pilipinas noong 2016 kung saaan ibinasura nito ang pag-angkin ng China sa halos 90 percent ng South China Sea.
Subalit, patuloy na hindi iginagalang ng China ang naturang kapasyahan.
Isinantabi naman umano ni Duterte “sa kasamaang palad” ang nasabing desisyon kapalit ang ipinangakong $24 bilyong Chinese investments at tulong, ayon kay Del Rosario at retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio.
“Hindi naman ako humingi, offered ‘yan… I never asked anything, I was asking friendship, that was all,” depensa ni Duterte.
“Kung ako’y nagsisinungaling, mag-resign ako bukas kaagad,” dagdag pa ng Pangulo.





