
Inihalintulad ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules ang pagkakapanalo ng Pilipinas kontra China sa isang arbitration court hinggil sa West Philippine Sea isyu bilang “papel,” na wala umanong bisa.
“Nag-file sila ng kaso, nanalo tayo. ‘Yang papel sa totoong buhay between nation, ‘yang papel ‘yan, wala ‘yan. Kung sino iyong tigas, United States, Britain ‘pag ginusto nila—” ani Duterte sa isang taped address.
Noong 2016, ibinasura ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa the Netherlands ang pag-aangkin ng China sa halos 90 percent ng South China Sea, kung saan kabahagi nito ang West Philippine Sea.
“Tapos sabi nila itong papel sa kaso nanalo tayo, i-pursue mo. Pinursue ko, walang nangyari. Actually sa usapang bugoy, sabihin ko sa ‘yo, bigay mo sa akin, sabihin ko, ‘P***** *** papel lang ‘yan, itatapon ko ‘yan sa wastebasket,'” diin ng Pangulo.
Muling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng Manila at Beijing noong Marso matapos mamataan ang daan-daang Chinese boats na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Paulit-ulit namang tinanggihan ng China ang panawagan ng Pilipinas na paalisin na ang naturang mga barko.