
Anim na biyahero na dumating sa Pilipinas galing India, bago ipatupad ang travel ban mula sa nasabing bansa, ang nagpositibo sa Covid-19, pahayag ng Department of Health (DOH) noong Miyerkules.
Sa 117 travelers na naka-quarantine, anim sa mga ito ang nagpositibo sa coronavirus, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire. Hindi naman ibinunyag ng opisyal ang nationalities ng mga pasyente.
“The samples have been submitted to the Philippine Genome Center,” ani Vergeire.
Noong nakaraang linggo, ang tinaguriang Indian coronavirus variant, na na-detect sa Estados Unidos, Australia, Israel, Switzerland at Singapore, ay hindi pa natutuklasan sa Pilipinas, giit ni Vergeire noong panahong iyon.
Ito ay kinokonsidera bilang “double mutant” dahil sa presensya ng dalawang mutations sa spike protein ng virus, kung saan nagdudulot umano ito ng madaling pagpasok at madaling pagpaparami sa katawan ng tao.
Sinabi rin ni Vergeire na kasalukuyang pinaghahanap ng pamahalaan ang anim na iba pang biyahero na nanatili o dumaan ng India, kung saan pumalo na sa higit 20 milyon ang bilang ng Covid-19 cases.