
Tinurukan ng bakuna kontra Covid-19 noong Lunes, Mayo 3, si Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang Sinopharm brand ng vaccine na gawang China, kung saan hindi pa ito ginagawaran ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA).
Makikitang si Health Secretary Francisco Duque III ang nagturok ng bakuna kay Duterte sa isang livestream na ibinahagi ni Senador Bong Go sa kanyang Facebook page. Nagtapos ang footage nang ituturok na ni Duque ang bakuna sa Pangulo.
“I feel good and I have been expecting this shot, vaccination a long time ago,” ani Duterte bago ang pagbabakuna, na nangyari aniya sa Malacañang.
Ayon sa Pangulo, “natagalang mag-assess” ang kanyang doktor bago nito piliin ang Sinopharm bilang akmang bakuna para sa kanya.
“Sinopharm itong tinuturok sa akin,” giit ni Duterte.
Samantala, sa isang pahayag, kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pagbabakuna ni Duterte ng unang dose ng Sinopharm noong Lunes.
“His first dose was covered by the Compassionate Use Permit issued to the PSG hospital by the FDA,” paliwanag ni Roque.