
Magtatagal pa umano ng dalawa hanggang tatlong araw bago makita ang “real picture” hinggil sa sitwasyon ng Covid-19 sa bansa, habang pababa ang bilang ng recoveries na naitatala ng Department of Health (DOH) sa nakalipas na mga araw.
Sa isang public press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na titingnan pa nila kung magpapatuloy ang trend na pakonti ang bilang ng recoveries kumpara sa bilang ng bagong mga kaso sa mga susunod na araw.
Ayon kay Vergeire, ang pagbaba sa bilang ng mga kaso ay maaaring dahil sa mas konting bilang ng recoveries sa “mass recovery program” ng ahensya – kung saan ginawa na itong araw-araw sa halip na lingguhan.
“If magtuloy-tuloy sa susunod na araw, this is the true picture. Kasi kung matatandaan ninyo sa mga nakalipas na araw mayroon po tayong tinag na time-based tagging for the past days; kasi pinilit nating ma-exhaust ang mga napag-iwanan na hindi nata-tag,” paliwanag ni Vergeire.
“Kaya medyo marami po noong una, at paliit nang paliit na lang po kasi it’s showing yung numbers natin. So tingnan po natin for the next 2-3 days para makita natin if this really is the picture already,” dagdag pa nito.