
Kumpiyansa si Vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na maaabot ng Pilipinas ang herd immunity laban sa Covid-19 pagsapit ng dulo ng taon.
“We are very confident that the country will be able to achieve herd containment within this year with the help of the private sector, with the inoculation of 50 to 70 million Filipinos,” ani Galvez, na nagsisilbi ring chief implementer ng National Task Force against Covid-19.
Hinikayat ng mga negosyante ang gobyerno sa isang vaccine summit noong Biyernes, na co-organized ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), na payagan silang bumili ng Covid-19 vaccines nang direkta mula sa accredited sources upang mapabilis ang vaccination program sa bansa.
Kasalukuyang pinapayagan ng gobyerno ang pribadong sektor na bumili ng mga nasabing bakuna sa kondisyong idadaan ito sa tripartite agreements kasama ang pamahalaan at mga manufacturers.
Nakipagkasundo na umano ang Pilipinas sa limang vaccine manufacturers, na makapagbibigay ng stable supply ng mga bakuna ngayong taon.
“With support coming from the private sector and LGUs (local government units), the Philippines was able to gain access to larger vaccine volumes at a lower price,” dagdag pa ni Galvez.
Ngayong taon, inaasahan umano ang pagdating ng hindi bababa sa 148 milyong doses mula sa pitong manufacturers, kung saan karamihan sa mga ito ang darating sa gitna ng taon.