
Kasalukuyang nagde-develop ang national government ng Covid-19 home care package para sa mga Pilipino, upang mabawasan ang bilang ng pasyente sa mga ospital, lalo na sa National Capital Region (NCR), ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire noong Lunes.
Inatasan ng Office of the President ang Department of Health (DOH) na agarang gumawa ng home care package.
“Itong home care package na immediate na utos sa atin, it will include the basics: mga vitamins, mga paracetamol,” paliwanag ni Vergeire.
“Para ‘yung mga kababayan natin, if they are asked to stay home, they are confident kasi they have this kit for example kung saan nandiyan na yung mga iinumin mo and may mga guidance na sa ating mga doctor through telemedicine,” dagdag pa nito.
Pinag-uusapan pa ng health officials kung maglalagay din ng antibiotics sa mga nasabing home care packages.
Aniya, “It’s going to be contentious especially to our clinicians if we are going to put antibiotics already inside that kit.”
“Nire-regulate natin dito ‘yung pag gamit ng antibiotics because we are seeing resistance kasi gumagamit tayo maya’t maya,” dagdag pa ni Vergeire.
Bagama’t madali umanong magagawa ng DOH ang naturang mga kits, isinasapinal pa ng ahensya kung paano makapagbabayad ang publiko para sa teleconsultation fees.
“Immediately po ang utos sa atin para mapatupad. Inaayos lang po natin ‘yung ating financing mechanism,” sabi ni Vergeire.
“We need the totality of the whole package because it’s not just going to be the kits. There will be telemedicine consultations, there would be navigations, referral centers so kailangan kumpleto po,” dagdag pa ng opisyal.
Nakatakda ring makipagpulong ang DOH sa mga alkalde ng Metro Manila upang talakayin ang panukalang home care package para sa Covid-19 patients.
“Local governments are the navigators. They navigate if a person should go to a hospital or stay at home, but they have to enable,” ani Vergeire.
“Kailangan mayroon silang suporta sa tao kung siya ay magho-home quarantine, kung siya ay pupunta sa ospital. So this is what we are trying to work on right now,” dagdag pa nito.
Nitong buwan, unang nagpatupad din ng kaparehong inisyatiba ang Office of the Vice President na kung tawagin ay Bayanihan e-Konsulta, kung saan nagbibigay ito ng libreng medical support at home care kits para sa mga Covid-19 patients na naka-home quarantine.
Kabilang sa home care kits ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo ay mga gamot, medical supplies, monitoring sheet, at instructions ng doktor hinggil sa home care.





