
Dalawang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang sinampahan ng gag order laban sa paglalabas ng pahayag tungkol sa community pantries
Kinumpirma ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na nag-isyu siya ng gag order laban sa mga tagapagsalita ng task force na sina LtGen Antonio Parlade at Communications Undersecretary Lorraine Badoy.
“Yes, I did if only to emphasize that NTF-ELCAC or Gen. Parlade or Usec. Badoy are not against bayanihan or community pantries… Lest it be misunderstood, they will desist from making statements on community pantries. And NTF- ELCAC will support, observe and assist CPs, as does the whole of government,” paliwanag ni Esperon.
Sa isang forum noong nakaraang linggo, sinabi ni Esperon na hindi nila pipigilan ang pagtatayo ng community pantries at iba pang aktibidad na nagsusulong ng bayanihan. Tinanggihan din nitong nagsasagawa ng profiling ang mga awtoridad sa identidad ng mga organizers.
Pinaulanan ng pambabatikos si Parlade matapos nitong aminin na nagsasagawa sila ng background checks sa mga organizers ng community pantries, kung saan may mga makakaliwang grupo umanong nagsasagawa ng “propaganda”.
Ilang mga senador naman ang nagsusulong na kaltasan ang pondo ng NTF-ELCAC sa susunod na taon bunsod ng mga naiuulat na red-tagging sa community pantry organizers.