
Ang ginagawang pangre-red-tag ng mga awtoridad sa organizers ng community pantries ay “misplaced” at “iresponsable” lalo na ngayong panahon ng pandemiya, giit ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Linggo.
Aniya, “Napaka-misplaced. Instead na maging thankful na merong isang bata pa na nakaisip ng napakahusay na activity, hinahanapan pa ng diperensiya.”
“Napaka-misplaced, napaka-irresponsible yung ginagawa ng ibang mga opsiyal ng pamahalaan, na sa pahanong gaya nito, eh ‘yan ang iniisp nila,” dagdag pa ni Robredo sa kanyang programa sa radyo.
Ayon kay Ana Patricia Non, na nagtayo sa Maginhawa Community Pantry sa Quezon City, na-red tag umano siya ng mga pulis. Ito ay nag-udyok sa kanya na pansamantalang ipahinto muna ang operasyon ng pantry nang isang araw dahil sa pangamba para sa kanyang kaligtasan.
Matapos makakuha ng suporta mula sa iba pang opisyal, muling binuksan ni Non ang kanyang pantry, na ginaya rin sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Samantala, pinaulanan naman ng pambabatikos sina Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. at Communications Undersecretary Lorraine Badoy dahil sa pag-uugnay sa pantry ni Non sa kilusang komunista, bagay na naghimok sa mga senador na pabawasan ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, kung saan tagapagsalita ang dalawang nabanggit ng opisyal.
Noong Linggo, sinabi naman ni Hermogenes Esperon, Jr., vice chair ng NTF-ELCAC, na pinagbawalan na sina Parlade at Badoy na maglabas ng pahayag tungkol sa community pantries.