
Nagpahayag ng agam-agam si Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules tungkol sa mugkahi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na iklian ang mandatoryong 14-day quarantine period para sa mga umuuwing overseas Filipino workers (OFWs).
Sa isang pre-recorded na meeting kasama ang mga miyembro ng Gabinete at mga medical experts, sinabi ng Pangulo na hindi siya kumportable sa ipinapaukalang pagpapaluwag ng quarantine protocols para sa mga OFWs.
“Unless also there is something more than just what I am hearing now and previously, I must also be convinced that it is really, medyo ano ako , I am not quite comfortable with the relaxation that’s being brought about now,” ani Duterte.
Sa parehong pagpupulong kasama ang Pangulo, ibinahagi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang “heavy burden” na idinudulot ng kasalukuyang mga quarantine protocols para sa mga umuuwing OFWs.
Pagkatapos ay iminungkahi ng kalihim ang pagpapatupad ng “orihinal” na patakaran na nagpapahintulot sa mga OFWs na makauwi sa kanilang “pinal na destinasyon” nang hindi kinukumpleto ang 14-day mandatory quarantine, basta’t nagnegatibo sa Covid-19.
“Gusto ko pong iparating ang kalagayan ng ating OFWs. Talagang hirap na hirap po sila. They are crying,” sabi ni Bello.
Sa isang public advisory na inilabas ng Department of Foreign Affairs noong Abril 17, ang lahat ng mga umuuwing OFWs ay kinakailangang sumailalim sa 14-day quarantine sa mga isolation facilities pagkarating sa bansa.
Ayon naman sa mga eksperto dumalo sa virtual meeting, mas makatutulong umano kung paiikliin ang quarantine period ng OFWs sa 10 days sa halip na 14 days, basta’t walang sintomas.
Iginiit naman ng Pangulo na nauunawaan niya ang daing ni Bello dahil paubos na aniya ang pondo ng gobyerno para sa OFWs.
Aniya, “Maliit na yung pera. He (Bello) is raising the alarm. He’s raising the alarm of possibility of having no more funds to take care of this kind of situation that we have now.”
Gayunpaman, sinabi ni Duterte na hindi pa siya handa upang ikompromiso ang kalusugan ng mga Pilipino.
“I cannot compromise. There is no compromise. Hindi ako magko-compromise. It’s just an off-the-cuff statement before I make the final decision. I’m not ready for a compromise, lalo na ngayon,” sabi ng Pangulo.