
Inihayag ni National Task Force (NTF) Against Covid-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. noong Lunes na 120,000 doses ng Covid-19 vaccines ang ituturok kada araw sa National Capital Region Plus (NCR Plus) kung magkakaroon na ng steady supply ng mga bakuna sa bansa.
“Our supply chain experts have also provided some sort of simulations wherein the NCR Plus will have 120,000 jabs a day with the requirement that the NCR should have a steady supply of 3.3 million (doses) monthly,” ani Galvez sa isang House joint panel hearing.
Umaasa umano ang bansa para sa steady supply ng 10-15 milyong vaccine doses kada buwan sa ikatlo at ikaapat na quarters ng taon.
Magtatayo umano ng mega vaccination sites sa malls, arenas, at gymnasiums upang makapagbakuna ng hindi bababa sa 120,000 katao bawat araw sa Hunyo.
Ayon kay Galvez, na siya ring vaccine czar, patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa ibang mga bansa para sa pagkalap ng steady at secure supply ng Covid-19 vaccines upang maisakatuparan ang target nitong makapagbakuna ng 50 hanggang 70 milyong adultong Pilipino at makamtan ang herd immunity sa dulo ng taon.
Nakapokus umano ang NTF sa pagpapaigting ng PDITR strategy ng bansa, o Prevent, Detect, Trace, Test, Isolate, Treat and Reintegrate.