
Posibleng hindi maging sapat ang dalawang-linggong lockdown sa Metro Manila at mga karatig lalawigan upang mapigilan ang paglaganap ng Covid-19, ayon sa isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Sabado.
Sinabi ni DILG officer-in-charge Bernardo Florece Jr. na nakatakdang magpulong ang Inter-Agency Task Force (IATF) on Covid-19 response sa Sabado upang talakayin ang estado ng lockdown sa nabanggit na lugar na tinawag na NCR Plus.
“Almost 2 weeks na tayo pero ‘di pa natin ganap na nararamdaman ‘yung epekto nito so probably another week will be enough,” wika ni Florece sa isang panayam.
“Pero at the end of the day, of course ang nagde-debate dyan members ng IATF at inaaral talaga kung ano ang rekomendasyon pero babase talaga sa available data sa science. ‘Yun ang pinagbabasehan ng IATF,” dagdag pa nito.
Samantala, iminungkahi rin ni OCTA Research Group fellow Dr. Guido David ang pagpapalawig ng ECQ sa NCR Plus para mapigilan ang paglaganap ng Covid-19 cases.
Sinabi nitong bumaba na ang reproduction rate sa bubble sa 1.24, mula sa 1.43 noong Miyerkules.
“Dapat bumaba na ‘yung reproduction number at kulang na rin ang naoospital at namamatay. Ito ‘yung lahat na pinag-aaralan, meron naman tayong mga eksperto dito na nagre-recommend sa IATF,” diin naman ni Florece.