Gov’t health workers, humihingi ng agarang suporta habang dumarami ang nagkakasakit at namamatay sa Covid-19

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Mahigit isang taon simula nang pumutok ang Covid-19 pandemic sa Pilipinas, ilang health workers ang nagrereklamo dahil hindi pa umano sila nakatatanggap ng mga ipinangakong bayad at benepisyo ng pamahalaan.

Ayon kay Cristy Donguines, pangulo ng Dr. Jose Reyes Memorial Medical Center’s Employees Union, nagkakaubusan na ng PPEs sa kanilang ospital.

“Ngayon, wala kaming mga gloves. Mago-opera ka ba nang wala kang gloves?… Kung wala tayong shortage sa PPE, bakit kailangang pabayaran sa mga pasyente? Ang face shield, kanina lang, nanggagalaiti na naman ako, kasi 30 na lang ang provision na natitira sa amin… Paano ka mago-opera, wala ring gasa? Yung N95 namin, imagine-in mo, kahapon, magkakaroon kami ng operation na CS, ang N95 namin, tatatlo na lang… Paanong tatlo, paghahatian ng anim na surgeon?” ani Donguines.

Sinang-ayunan din ni Benjamin Santos, isang staff member ng Philippine General Hospital, ang problema tungkol sa kakulangan ng PPEs.

Aniya, “Dahil hindi na puwede sa amin yung surgical mask, yung N95 na pinapagamit sa amin. Nakalagay sa memo na tatlong araw mong gagamitin ang N95.”

Ayon naman kay Salome Ejes, miyembro ng Philippine Heart Center Employees Association, “masakit” ang masaksihan na limitado lamang ang gamot para sa isang pasyente.

“Ang napakasakit, kahit gamot na kailangan po ng isang pasyente, eh nagkukulang pa rin. Hindi mo alam, hindi natin alam kung saan tayo kukuha ng gamot. Bakit ganito ang gobyerno natin? Hindi nila binibigyan ng lubos na pansin ang pangkalusugan ng mamamayang Pilipino. Mahigit isang taon na, ni hindi ko mayakap ang nanay ko, ni hindi ko mayakap ang anak ko,” ani Ejes.

Samantala, idiniin naman ni Sen. Sonny Angara, pangunahing awtor ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, na mananatili ang mga nakalaang benepisyo para sa mga health workers kahit pa magtapos na ang batas sa Hunyo 30, 2021.

Ang compensation para sa health workers na mahahawa ng Covid-19, hazard pay, special risk allowance, medical expenses coverage, life insurance, atbp,. ay mananatili basta’t nasa ilalim ng state of national emergency ang bansa, ayon kay Angara.

Ibinahagi naman ng Alliance of Health Workers (AHW) ang pangamba dahil sa tumataas na bilang ng health workers na nhahawa sa Covid-19.

“Hihintayin n’yo pa ba kaming maubos at hindi na makapasok sa mga pampublikong hospital?” ani AHW president Robert Mendoza.

Nagpadala na umano sila ng liham kay Health Secretary Francisco Duque III noong Martes upang agarang tugunan ang kanilang mga hinanaing.

Tiniyak naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na makakaasa ang health workers sa administrasyon.

Aniya, “Hindi dapat nagkukulang ang PPE dahil ‘yan ay ipinangako ng Presidente. Dahil sila nga ang mga bagong bayani, kung anuman ang kailangan nilang proteksyon sa sarili, ibibigay ng gobyerno nang walang gastos. Ganun din po sa pagdating po sa mask, pagdating po sa shields. Kung ang sambayang Pilipino nga po ay nakakabigay tayo ng libreng mask, bakit hindi sa health workers?”

“Kung mayroon po silang specific na mga reklamo ay iparating po sa atin yan at ipa-follow up po natin ‘yan sa Department of Health,” dagdag pa ni Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING