Duterte, nakahanap ng ‘gray area’ sa mga alkaldeng nagpabakuna vs. Covid-19

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules na mahirap sabihin kung may pananagutan ang ilang alkalde matapos magpakabuna ang mga ito kontra Covid-19 kahit hindi sakop ng priority list.

Ito ay matapos depensahan ng ilang alkalde ang kanilang ginawang hakbang at igiit na ito ay upang pawiin ang pangamba ng kanilang mga nasasakupan hinggil sa pagbabakuna.

“Ang sabi nila, ang rason nila, I think that’s a universal excuse, na para ‘di matakot ‘yung constituents. Ako, medyo gray area ‘yan,” ani Duterte sa kanyang late night address sa publiko.

“Dapat talaga ang una…whether or not they jump the Covid-19 line of vaccination would require a certain amount of legal study,” dagdag pa ng Pangulo.

Binanggit ni Duterte ang pangalan ng siyam na mayors na nabakunahan kontra Covid-19 kahit hindi health workers ang mga ito. Sila ay sina:

– Mayor Alfred Romualdez ng Tacloban City, Leyte

– Mayor Dibu Tuan ng T’boli, South Cotabato

– Mayor Sulpicio Villalobos ng Sto Niño, South Cotabato

– Mayor Noel Rosal ng Legazpi City, Albay

– Mayor Abraham Ibba ng Bataraza, Palawan

– Mayor Elanito Peña ng Minglanilla, Cebu

– Mayor Victoriano Torres ng Alicia, Bohol

– Mayor Virgilio Mendez ng San Miguel, Bohol

– Mayor Arturo Piollo II ng Lila, Bohol

Ang unang lima sa listahan ay sinampahan na ng show cause order ng Department of the Interior and Local Government.

Ayon sa Pangulo, mas maraming tao pa ang nakalista subalit hindi niya pinangalanan ang mga ito. Kabilang dito umano ang isang aktor na nabakunahan sa Parañaque City.

Aniya, “Ang balita ko naibigay sa mga anak ng mga artista at iba pa. The favored few.”

Idiniin ni Duterte na dapat sundin ang priority framework upang hindi maapektuhan ang vaccine supply ng bansa sa hinaharap. Nagbabala na ang World Health Organization (WHO) sa bansa na baka mawalan ito ng milyun-milyong doses mula sa COVAX kung hindi tutupad sa required na alokasyon ng mga bakuna sa medical frontliners.

“Ito ‘yung kinakatakutan ko noon,” sabi ng Pangulo.

“I remember well admonishing everybody that the priority sa pagbibigay ng bakuna ay ito ang masusunod,” dagdag pa nito.

LATEST

LATEST

TRENDING