8,000 new Covid-19 cases, posibleng maitala sa PH sa dulo ng Marso: OCTA Research

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Manila Bulletin

Posibleng pumalo sa 8,000 ang bagong Covid-19 cases kada araw sa bansa pagsapit ng dulo ng Marso, at 18,000 hanggang 20,000 naman sa gitna ng Abril kung hindi magbabago ang kasalukuyang reproduction rate, babala ng OCTA Research Group noong Linggo.

Sa Metro Manila, ang arawang bilang ng kaso ay maaaring umabot ng 5,000 hanggang 6,000 sa dulo ng Marso at 14,000 naman sa gitna ng Abril, ayon kay OCTA Research fellow Guido David.

Ang naturang projection ay base sa 1.9 reproduction rate, o ang bilang ng mga taong nahahawa ng isang pasyente.

“Hindi tayo nananakot. Sinasabi lang natin, ‘yan ang science. Wala namang fear-mongering sa science. ‘Yung projections namin, nagkatotoo na. In fact, mas mabilis na siya compared sa original naming projection. Kaya, nag-readjust ng projection,” paliwanag ni David.

Unang sinabi ng OCTA Group na ang arawang bilang ng kaso ay maaaring pumalo nang 5,000 sa dulo ng buwan, at 3,000 sa Metro Manila.

Samantala, nagpatupad na ng localized lockdowns ang mga alkalde ng Kalakhang Maynila upang masugpo ang paglaganap ng Covid-19.

Nakapagtala ang Pilipinas noong Sabado ng 5,000 na bagong mga kaso, ang pinakamataas sa halos pitong buwan para sa kabuuang 616,611 cases sa buong bansa.

Kinumpirma kamakailan ng Department of Health ang pagkakatuklas ng Covid-19 variant na unang natagpuan sa bansa. Naniniwala naman ang Philippine Genome Center na ito ay “developed locally.”

Inanunsyo rin ng DOH ang pagka-detect ng mas nakahahawang Brazil variant, o P.1., sa isang Pilipinong pasyente na kababalik mula Brazil.

Nagbabala si David na ang nararanasang spike sa Covid-19 cases ay maaaring makapag-overwhelm sa mga ospital ng bansa kung saan baka muling mapilitang muli ang pamahalaan na magpatupad ng striktong quarantine protocols.

Ayon kay David, base sa karanasan ng ibang bansa, bumababa ang Covid-19 cases kapag nabakunahan na ang 25 hanggang 50 percent ng populasyon nito.

Aniya, “In fact, sa Indonesia ngayon, bumababa na yung kaso nila. Mas konti na ‘yung daily cases nila kaysa atin. So, importante talaga ma-roll out natin ‘yung vaccine.”

LATEST

LATEST

TRENDING