Duque: Covid-19 vaccination rollout sa PH, hindi kasingbilis sa ninais ng gobyerno

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Health Secretary Francisco Duque III

Hindi naging kasingbilis ang aktwal na Covid-19 vaccination program sa layunin ng gobyerno, giit ni Health Secretary Francisco Duque III noong Huwebes, higit isang linggo nang umpisahan ng bansa ang rollout ng mga bakuna.

Ayon sa kalihim, tinatayang nasa 83,000 health workers na ang nabakunahan. Samantala, sinabi naman ng Malacañang na nasa 114,615 na mga Pilipino ang nabakunahan noong Miyerkules, mula sa target ng pamahalaan na 70 milyong katao ngayon taon.

“The first week, I will admit, the vaccination rate was not as quick as we wanted it, but for obvious reasons. Siyempre nag-uumpisa pa lang,” ani Duque.

“Pangalawa, mayroon pong option na makapili ang babakunahang healthcare workers. Kung ayaw sa Sinovac, binigyan po natin sila ng right of first refusal, at ‘yung AstraZeneca ibinigay para doon sa mga tumanggi,” dagdag pa ng opisyal.

Ang Sinovac vaccines ang unang nakarating sa bansa at inumpisahan itong i-rollout noong Marso 1. Sinundan naman ito ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX Facility.

Ayon kay Duque, nasa 797,000 doses o higit 70 percent ng 1.1 milyong Covid-19 vaccines doses sa bansa ang na-deploy na sa 361 implementing sites.

Nakadagdag din umano sa pagpapabagal ng vaccine rollout ang waiting time upang maobserbahan kung mayroong adverse effects ang mga nabakunahan kahit pa halos tatlong minuto lamang ang tagal ng vaccination.

“Napansin natin na although madali magbakuna, less than 2-3 mins, but it is the observation, waiting time that is eating up so much of the time… Ang iba na nagpapakita ng mas pronounced na symptoms, they need more time to be observed,” paliwanag ng kalihim.

Noong Miyerkules, iniulat ni Duque na hindi tataas sa 1 percent ng mga binakunahan ang naiulat na nakaranas ng minor adverse events following immunization (AEFI). 

Dalawang indibidwal naman na tinurukan ng Sinovac ang nakaranas aniya ng serious AEFI. Allergic reactions umano ang lahat ng ito.

Nang tanungin naman kung kailan ide-deploy ang mga bakuna para sa economic frontliners, iginiit ni Duque na nakadepende ito sa global vaccine supply.

“We really can’t give you exact dates,” sabi nito.

 “Huwag po tayong aasa na sa bakunang ito ay mapapababa natin ang kaso. Ang magpapababa ng kaso, ‘yung minimum public health standards pa rin gaya ng wearing of face mask, face shield,” diin ng Health Secretary.

LATEST

LATEST

TRENDING