PNP: Kampo ni Calbayog Mayor Aquino ang unang namaril

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Nangako ang Philippine National Police (PNP) na makikipag-ugnayan ito sa National Bureau of Investigation tungkol sa pag-imbestiga sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronald Aquino sa Samar, bagama’t idiniing unang namaril ang kampo ng alkalde.

Batay sa datos ng Police Regional Office 8, sinabi ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na ang grupo ni Aquino ang nag-umpisa ng putukan kasama ang mga awtoridad mula sa Integrity Monitoring and Enforcement Group at Provincial Drug Enforcement Unit. Patay sa insidente ang alkalde, drayber, police security escort, at hindi bababa sa dalawang pulis mula sa grupong nakipagbarilan laban sa kampo ni Aquino.

“According to them (PRO-8), for no apparent reason, binaril ‘yung sasakyan nila. So napilitan silang magresponde tapos yung backup ni mayor na nasa likod din pinaputukan yung pulis kaya namatay ‘yung tatlo,” wika ni Sinas.

Taliwas sa unang pahayag ng pulisya na “ambush” ang nangyari, iginiit ni Sinas na shootout ang naganap at gumanti lamang umano ang mga awtoridad.

Aniya, “Basing sa account nila ay ‘yung tropa ni mayor [ang nagsimula]. But just the same, mag-iimbestiga tayo para malaman natin yung puno’t dulo.” 

Ipinaliwanag ni Sinas na nasa area ang mga awtoridad noong mga panahong iyon upang i-monitor ang mga aktibidad ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Communist Party of the Philippines at ang armado nitong pangkat na  New People’s Army.

“Kung ikaw ang maunahan din ng baril, the action is to repel the cause,” sabi ni Sinas.

Ipinag-utos na aniya ng PNP Chief sa Criminal Investigation and Detection Group ng magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon tungkol sa insidente. Nauna ring binuo ang isang special task group ng PNP Eastern Visayas upang magsagawa ng mabusising imbestigasyon hinggil sa isyu.

Samantala, nauna ring sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pinaiimbestigahan na sa NBI ang naturang insidente.

LATEST

LATEST

TRENDING