
Nakapag-detect ang Department of Health (DOH) ng mas maraming kaso ng Covid-19 variants na unang nadiskubre sa United Kingdom at South Africa.
Ibinunyag ni Health Secretary Francsico Duque III sa isang briefing sa Davao City noong Biyernes na nakatuklas ang DOH ng 52 na karagdagang kaso ng B.1.351 variant, o ang South Africa variant, at 31 cases naman ng B.1.1.7 variant o UK variant.
Papalo na sa 58 ang total count ng South Africa variant cases, habang 118 naman para sa UK variant cases.
Ayon sa ahensya, nakakuha sila ng samples mula sa Metro Manila, Central Visayas, at mga bumabalik na Pilipino sa bansa.
Ayon sa kalihim, makikipagpulong ang technical working group ng Covid-19 variants sa mga alkalde ng Metro Manila sa Biyernes upang talakayin ang tumataas na kaso ng South Africa variant.