Roque, binatikos dahil sa pagsabing ‘bakasyon’ ang lockdown; nilinaw na para ito sa mga nawalan ng trabaho

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque
Larawan mula sa: News5 Facebook Page

Inihalintulad ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang lockdown bunsod ng Covid-19 pandemic sa isang “napakatagal” na “bakasyon” – bagay na hindi ikinatuwa ng mga Pilipino na nahihirapan dahil sa epekto ng pandemiya.

Sa isang briefing noong Martes, ipinagtanggol ni Roque ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawasan ang bilang ng non-working days bilang kabahagi sa hakbang ng administrasyon na muling buhayin ang ekonomiya ng bansa. Ayon kay Roque, matagal nang nasa “bakasyon” ang bansa dahil sa pandemiya.

Aniya, “Napakatagal na po nating nakabakasyon. Halos isang taon na tayong nagbakasyon dahil sa Covid-19.”

Gayunpaman, nilinaw ni Roque na inilalarawan lamang niya umano ang sitwasyon ng mga Pilipino na hindi nakakapagtrabaho bunsod ng pandemiya.

“Ang konteksto lang nito, talagang maraming tao ang hindi nakapaghanapbuhay dahil dito sa pandemiyang ito. Kaya nga ninanais ng economic team na makahabol naman tayo,” giit ni Roque.

“Hindi naman po talaga bakasyon ‘yan, kung hindi, hindi nakapagtatrabaho,” dagdag pa nito.

Subalit, sinabi naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na “insensitive and downright offensive” ang naging pahayag ni Roque.

“Para sa Malacañang, ang isang taong pandemya ay isang bakasyon lamang habang para sa mahihirap, ito ay isang walang hanggang bangungot dulot ng kawalan ng ayuda at kabuhayan,” sabi ng mambabatas.

“Tama nga siguro ang sinabi ni Senator Bato dela Rosa: masarap nga talaga ang buhay ng mga malalapit sa Presidente,” dagdag pa ni Brosas.

LATEST

LATEST

TRENDING