Priority vaccination para sa ‘influencers’, tinanggihan ng gov’t advisory group

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Mariing tinutulan ng ilang mga opisyal ang panuakalang pagbibigay prayoridad sa ilang “influencers” na mabakunahan kontra Covid-19.

Inihayag ito ni Presidential spokesperson Harry Roque sa kanyang briefing noong Martes. Ayon kay Roque, unang bumuo ng listahan ng “influencers” ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF), kung saan kasama siya, iba pang opisyal, at ilang sikat na personalidad upang maunang magpabakuna kontra Covid-19.

Nagbalak umano ang IATF na magreserba ng 50 doses para sa kanila subalit tinanggihan ito ng interim National Immunization Technical Advisory Group, at sinabing dapat itong mapunta sa medical frontliners, dagdag pa ni Roque.

Aniya, “Tatapatin ko po kayo, kami po sa IATF ay nag-propose na mga 50 bakuna ireserba para sa tinatawag nating ‘influencers’ para mapaigting natin ang ating vaccine confidence.” 

“Hindi po sumang-ayon ang iNITAG at ako’y sumusunod naman,” giit ni Roque.

“Ang emphasis nila, kung anong meron, ibigay muna sa medical frontliners,” dagdag pa nito.

Ayon kay Roque, sumang-ayon lamang ang iNITAG na bigyang prayoridad sina Vaccine czar Carlito Galvez Jr., National Task Force against COVID-19 deputy implementer Vince Dizon, at Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos. Silang lahat ay nabakunahan na noong Lunes.

Ipinag-utos aniya mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Galvez at Dizon ang magpabakuna, habang nirepresentahan naman ni Abalos ang lahat ng Metro Manila mayors.

Sinabi naman ni Roque na bagama’t tinanggihan siya, susundin niya ang rekomendasyon ng advisory group.

Aniya, “Susunod na lang po ako diyan para wala nang away.”

LATEST

LATEST