Duque, labor groups tutol sa panukalang ‘no vaccine, no work’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Health Secretary Francisco Duque III

Hindi sinasang-ayunan ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagre-require sa mga empleyado na magpabakuna muna kontra Covid-19 bago sila pisikal na makapasok sa trabaho.

Hindi pa aniya ito pinag-uusapan ng Inter-Agency Task Force, subalit personal na tumatanggi rito ang kalihim dahil sa kakulangan sa suplay ng bakuna. Hindi umano ito kinakailangan sapagkat pumapasok naman na ang mga manggagawa kahit nasa kasagsagan ng pandemiya.

“Kung meron mang ganung panukala o mungkahi ay kinakailangan pag-aralan. Pero kung ako, hindi ako papayag na ‘no vaccine, no work’ policy,” ani Duque sa isang vaccination program sa East Avenue Medical Center noong Miyerkules.

Samantala, hinikayat naman ng isang grupong manggagawa ang pamahalaan na tuldukan ang “discriminatory and coercive” na hakbang tungkol sa mandatoryong pagbabakuna ng mga empleyado.

Inihayag ng Association of Labor Unions na nakatanggap sila ng mga reklamo na ilang manggagawa ang sinabihan umano ng kanilang mga employers na hindi sila papapasukin sa trabaho kung hindi sila lalahok sa company-sponsored Covid-19 vaccination activities.

Ilan sa mga ito ang pinagbantaan pa umano na ilalagay sa floating status hangga’t mabakunahan laban sa nakamamatay na sakit. Isang grupo naman ng mga empleyado ang nagsabing ire-require silang magpakita ng katibayan na sila ay nabakunahan na bago makapagtrabaho.

Sinabi din ni Iloilo Mayor Jerry Treñas na balak niyang maglabas ng executive order kaugnay sa “no vaccine, no work” policy.

“These arbitrary actions taken by abusive employers are audacious acts of direct discrimination and straightforward coercion,” pahayag naman ni ALU national executive vice president Gerard Seno.

Dagdag pa nito, “Employees must never ever be subjected to any compulsion.”

Dapat umanong tugunan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang naturang isyu bago ito maging talamak sa mga kumpanya.

LATEST

LATEST

TRENDING