PH, sang-ayon magbayad nang mas malaki para lamang mapabilis ang pagkalap ng Covid-19 vaccines

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Sang-ayon ang pamahalaan na gumastos nang mas malaki kung katumbas naman nito ang pagkakatanggap ng Covid-19 vaccines sa lalong madaling panahon.

Ayon kay Vaccine czar Carlito Galvez Jr. noong Miyerkules, bukas ang bansa na magbayad nang mas malaki kung mangangahulugan itong makatatanggap ang Pilipinas ng mga bakuna sa gitna ng taon.

Aniya, “Dadagdagan po ‘yong prices para mapaaga po.”

“Nagne-negotiate po tayo, kahit mapamahal nang kaunti, na magkaroon ng early delivery ng second and first quarters,” dagdag pa ng opisyal.

Nagsasagawa umano ng “off-setting” ang pamahalaan sa mga bayarin upang matiyak ang mga bakuna.

Unang sinabi ni Duterte na ang mga bansang “highest bidders” ay binibigyang prayoridad ng mga pharmaceutical companies sa distribusyon ng mga bakuna, at ito umano ang sanhi kung bakit hindi pa nakatatanggap ng suplay ang Pilipinas.

Ayon naman kay Galvez, ang karamihan ng vaccine supplies na darating sa bansa ay inaasahan sa ikalawang bahagi ng taon. Nakatakdang makatanggap ng 161 milyong vaccine doses ang bansa bago magtapos ang  taon, subalit 5.1 milyong doses lamang ang inaasahang made-deliver sa Marso.

Aniya, “Kung makikita po natin, Mr. President, talagang manipis po tayo sa sa first quarter kasi ang total lang po niyan is 5.1 million.”

Sinabi ng opisyal na kabilang sa batches na darating bago magtapos ang Marso ay ang 600,000 doses mula sa Sinovac ng China, 3.5 milyong doses ng Pfizer at AstraZeneca mula sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO), at mga nakalap ng Department of Health.

Idinagdag din ni Galvez na kasalukuyan nilang isinasapinal ang supply agreement sa kumpanyang Moderna. Isa lamang ito sa mga manufacturers na nagre-require ng isang indemnification deal upang makaiwas sa anumang layabilidad sakaling makaranas ng seryosong side effects ang mga pasyente matapos mabakunahan.

LATEST

LATEST

TRENDING