Roque: VP Leni, ‘welcome to join’ sa mga opisyal na magpapaturok ng Sinovac vaccine

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque at Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Miyerkules na “welcome to join” si Pangalawang Pangulo Leni Robredo sa hanay ng mga opisyal na unang magpapabakuna gamit ang Covid-19 vaccine na nagmula sa Sinovac Biotech ng China.

Kasama aniya si Roque, Vaccine czar Carlito Galvez, Health Secretary Francisco Duque III, at Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga nagnanais magpaturok ng Sinovac vaccine, kung saan 600,000 doses nito ang inaasahang darating ngayong buwan o ‘di kaya ay sa Marso.

Aniya, “Kung papayagan tayo ng national task force at Department of Health ay kasama tayo sa mauunang magpabakuna para magbigay kumpiyansa sa ating mga kababayan para mawala ang kanilang agam-agam.”

“Kung gusto po ni Vice President, she’s welcome to join also,” dagdag pa ni Roque. 

Pinayagan na nitong linggo ng Food and Drug Administration ang emergency use ng Sinovac vaccine na CoronaVac, subalit hindi ito inirekomenda para sa health workers at senior citizens.

Prayoridad sa Sinovac vaccines ang mga sundalo at economic frontliners na edad 18 hanggang 59.

Aniya, “Pasok na pasok naman po si VP Leni, hindi pa naman po siya senior.”

Unang inihayag ng Bise-Presidente na sang-ayon siyang magpabakuna kontra Covid-19 sa harap ng publiko.

LATEST

LATEST

TRENDING