WHO & drug companies, sasagutin ang gastusin sakaling may side effects sa vaccine trials

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Sasagutin ng World Health Organization (WHO) at vaccine firms ang medical expenses sakaling makaranas ng side effects mula sa Covid-19 vaccines ang kanilang mga boluntaryo sa isinasagwang clinical trials, pahayag ni Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Rowena Cristina Guevarra noong Sabado.

Sa isang public press briefing, sinabi ng opisyal na sasagutin ng WHO ang treatment ng mga lalahok sa solidarity trials na makararanas ng side effects, habang tutustusan naman ng vaccine developers ang gastusin para sa mga makikiisa sa independent clinical trials na makararanas ng side effects. 

“Dito sa… independent clinical trials ang sasagot ay vaccine developer na company, sa WHO [solidarity trials] sasagot ang WHO, mayroon silang global insurance na bibilhin [para] sa mga volunteers at mga nasa trial list,” ani Guevarra.

Unang sinabi naman ng DOST noong Biyernes na inumpisahan na ng Janssen Pharmaceuticals ang clinical trials nito para sa Covid-19 vaccine sa bansa. Sa parehong briefing, sinabi rin ng ahensya na binabalak umano ng WHO ang pumili ng tatlong Covid-19 vaccines para sa solidarity trials nito.

Kasalukuyan namang naghahanda para sa vaccine trials ang Clover at Sinovac. 

Sakaling makaranas ng adverse effects ang mga pasyente, kinakailangang maghain ng reports ng vaccine firms sa Food and Drug Administration, na magsusuri sa natanggap na impormasyon upang matukoy ang ugat ng naturang side effects.

“Kapag nagkaroon ng adverse effect, mag-submit ‘yan ng protocol. Ire-report nila ‘yan sa Food and Drug Administration ng Philippines at ia-analyze at ire-report ‘yan tapos dito sa PH pag may nangyaring ganiyan ‘yung pagho-hospitalize sakaling magka-adverse effect, sagot ‘yan ng kompanyang magko-conduct ng clinical trial,” sabi ni Guevarra.

Layunin ng Pilipinas ang makapagbakuna sa 70 milyong mga Pilipino, at umaasang makabibili ng 148 milyong Covid-19 vaccine doses mula sa iba’t-ibang kumpanya.

Gayunpaman, wala pa ni isang vaccine vial ang nakararating sa bansa bagama’t inanunsyo na ng mga opisyal ang pagdating ng mga nasabing bakuna ngayong buwan.

LATEST

LATEST

TRENDING