‘Pasensiya na po’: Galvez, humingi ng tawad sa pagka-delay ng Covid-19 vaccines

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Vaccine czar Carlito Galvez, Jr.

Huming ng tawad si Vaccine czar Carlito Galvez, Jr. noong Biyernes dahil sa pagkaantala ng pagdating ng mga Covid-19 vaccines sa bansa, kung saan kulelat ang Pilipinas sa mga karatig-bansa nitong nakapag-umpisa na sa kanilang vaccination drives.

Bagama’t nakapaghanda na ng kani-kanilang vaccine plan ang mga alkalde ng Metro Manila, wala pang kahit anumang bakunang nakararating sa bansa.

“Kaunting pasensya lang po. Pasensya na po talaga na talagang hindi po natin kasi hawak iyong ating supply chain… doon sa mga vaccine,” ani Galvez, na chief implementer ng National Task Force Against COVID-19. 

Dagdag pa nito,  “Sana po maintindihan n’yo po ang kalagayan ng gobyerno. Kami po talaga, ginagawa po namin ang aming magagawa, lalo na sa FDA, na sana iyong aming, iyong ating vaccine na dadalhin dito ay very safe, effective.”

Ayon sa opisyal, na dating heneral, ang kawalan ng indemnification program ang nakapagpaantala sa delivery ng 117,000 doses ng Pfizer-BioNTech vaccines na inilaan para sa Pilipinas sa ilalim ng vaccine sharing platform na COVAX Facility.

Binalak ng pamahalaan na gamitin ang mga bakunang nakatakdang dumating sa gitna ng Pebrero, upang umpisahan ang vaccination campaign.

Sinabi rin ng Malacañang nitong linggo na posible ring ma-delay ang hiwalay na shipment ng 600,000 doses na Sinovac vaccines galing China dahil sa kawalan ng emergency use authorization sa Pilipinas.

Aniya, “Minsan, ako po’y nahihiya dahil sabi nga, bakuna na lang ang kulang. Nasaan na iyong bakuna? Iyon ang question po sa atin ngayon.”

“Bilang the leading person to really procure and manage and get the best vaccine for all of us, nakita natin na talagang medyo nahuli tayo nang kaunti,” dagdag pa ng opisyal. 

Ipinaliwanag ng opisyal na 10 mga bansa ang kumakatawan sa 75 percent ng 190 milyong global vaccinations, kung saan dahil umano ito sa “geopolitics.” 

Binanggit nito bilang halimbawa ang Australia, na hindi pa nakakapag-umpisa sa vaccine drive bagama’t may excess orders, habang ang bansang Japan naman ay kakaumpisa lamang aniya sa vaccine drive nito.

“Ongoing” pa rin umano ang negosasyon ng Pilipinas sa COVAX Facility.

Aniya, “We are hopeful na iyong COVAX, they will fulfill their commitment to bring us the 44 million doses.”

“Dapat intindihin din natin sila, na iyong pagbabakuna ng buong mundo, isang malaking hamon din sa kanila,” giit nito.

Bibisita umano ang mga opisyal ng pamahalaan sa Serum Institute of India, na gagawa ng 2 hanggang 3 bilyong vaccine doses, kabilang ang 30 milyong doses para sa Pilipinas.

“Sa awa po ng Diyos, siguro po tingnan po natin, baka po meron ding umabot na vaccine this coming February and majority of our vaccine, baka magdating po ng March,” sabi ni Galvez.

“Iyon ina-advise ko po sa ating mga kababayan, na sana kaunting pasensya pa,” diin ng vaccine czar.

LATEST

LATEST

TRENDING