Panukalang isailalim ang buong PH sa MGCQ, ‘premature’ ayon sa OCTA Research

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Reuters

Nangangamba ang OCTA Research group sa panukala ng National Economic and Development Authority (NEDA) na isailalim ang buong bansa sa pinakamaluwag na uri ng community quarantine sa susunod na buwan.

Ayon kay OCTA Research fellow Ranjit Rye noong Martes, delikado umano ito sapagkat patuloy ang pagtaas ng Covid-19 at UK variant vases sa ilang lugar. Hindi pa rin aniya na-uumpisahan ng bansa ang pagbabakuna sa medical frontliners.

Sinabi ni Rye na dapat umanong tingnan ni acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua ang datos sa halip na magpanukalang magtransisyon sa modified general community quarantine sa susunod na buwan, kasama ang Metro Manila na nananatiling nasa sentro ng pandemiya.

“Hindi pwede maging arbitrary, premature ang pagbukas natin, it would be risky… Ang call ng NEDA MGCQ buong bansa,” ani Rye.

“Hindi mangyayari iyan sa March 1 kasi may seryosong outbreak sa Cebu, Caraga, Kalinga. Huwag na tayo mag-usap ng deadline,” dagdag pa nito.

Ayon naman sa Department of Health, bagama’t generally plateauing na ang mga Covid-19 cases sa bansa, nagkakaroon pa rin umano ng spikes sa Central Visayas at Caraga regions. Idinagdag ni Dr. Alethea de Guzman, isang medical specialist sa DOH Epidemiology Bureau, na bagama’t nagkapagtatala ng negatibong growth rate ang Metro Manila, mataas pa rin ang mga kaso sa walong lungsod. Ito ay ang Valenzuela, Pasay, Malabon, Pasig, Makati, Navotas, Las Piñas, at Manila.

Idiniin din ni Rye na bagama’t bumubuti ang sitwasyon sa Metro Manila, hindi pa rin managed ang Covid-19 transmission sa rehiyon sapagkat nagkakaroon pa rin ng “upticks” sa ilang lungsod, partikular na sa Navotas. May naitala rin umanong bagong kaso ng mas nakakahawang Covid-19 variant sa Pasay.

Aniya, “Dapat mag-ingat tayo sa proposals natin, dapat ma-achieve ang basic requisites to move to MGCQ.”

“Sa ngayon wala pa tayo doon. We are not yet where we are supposed to be to move to MGCQ,” dagdag pa ni Rye.

Iminungkahi ng NEDA chief noong Lunes kay Pangulong Rodrigo Duterte na pahintulutan ang pagsasailalim ng bansa sa MGCQ, pagtataas sa kapasidad ng pampublikong transportasyon sa 50% to 70%, pagpapahintulot sa mga edad 5 hanggang 70 na makalabas para sa non-essential trips, at ibalik ang pilot face-to-face classes sa low-risk areas. Ito ay dahil kinakailangan umano ng ekonomiya na makabangon.

Subalit, idiniin ng OCTA na sa halip na ipatupad ang mga nasabing mungkahi, dapat magpokus umano ang gobyerno sa pagbabakuna ng healthcare workers, pagpapaigting sa biosurveillance efforts upang ma-detect ang bagong variants, at pagpaalakas sa testing at tracing capacity.

LATEST

LATEST