Palasyo kay Lacson: VFA, puwedeng kanselahin ni PRRD anumang oras

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Puwede umanong kanselahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas sa Estados Unidos anumang oras, giit ng Malacañang noong Miyerkules.

Ito ay matapos sabihin ni Senador Panfilo Lacson na kinakailangan muna ang pahintulot ng Senado bago tuluyang tapusin ng Pangulo ang kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at US.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang televised briefing, hindi na umano kailangan ng Pangulo ang permiso ng Senado bago nito kanselahin ang VFA.

Aniya, “Ang Presidente ay pupuwede pong bumitaw sa VFA kahit kailan po.”

Noong Martes, sinabi ni Lacson na may papel ang mga senador sa usapin ng international agreements tulad ng VFA.

Iginiit naman ni Roque na hindi isang treaty ang VFA.

“Pagdating doon sa tratado tama po kayo, nakasaad sa saligang batas na ang mga tratado kinakailangan ng concurrence ng Senado… Now, ang VFA po ay hindi tratado,”paliwanag nito.

Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, ang papel umano ng VFA ay upang iimplementa ang 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) na layong palakasin ang defense at security cooperation sa pagitan ng Pilipinas at US.

Aniya, “Ito ay pagpapatupad lamang ng isang tratado at ang tratado na pinapatupad ng VFA ay ang Mutual Defense Treaty.”

Ang VFA ay isang 1998 military pact na nagpapahintulot sa mga sundalong Amerikano na magsagawa ng joint exercises kasama ang mga Pilipinong sundalo.

Noong Pebrero 11, 2020, pormal na tinapos ng Pilipinas, alinsunod sa utos ng Pangulo, ang VFA.

LATEST

LATEST