Robredo, iginiit na publiko ang magpapasya kung siya’y kwalipikadong maging Pangulo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Ipinagkibit-balikat ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo ang naging komento ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi umano siya kwalipikadong maging presidente.

“Hindi naman siya ‘yung magdedesisyon kung qualified ako o hindi, ‘yung taong bayan ‘yung magdedesisyon,” sagot ni Robredo noong Martes sa naging pahayag ni Duterte.

Hindi ikinatuwa ng Pangulo ang naging komento ng bise-presidente nang ilarawan nito bilang “extortion” ang balak ni Duterte na singilin ang US government kung nais nitong panatilihin ang Visiting Forces Agreement (VFA).

“Itong kay Robredo, sabi ko nga ma’am, kung ikaw ang presidente, hindi mo alam ang trabaho mo, dapat alam mo ‘yan kasi abogado ka. You should not open your mouth when we are negotiating because maraming kasalanan ang Amerika sa atin,” sabi ni Duterte.

Ayon naman sa pangalawang pangulo, may matututunan umano ang pamahalaan kung makikinig ito sa mga suhestyon.

Aniya, “Makakabuti sa atin lahat kapag nakikinig…sa mungkahi, nakikinig sa pagpansin ng mga ibang mga polisiya.” 

Iginiit ni Robredo na ipinakita umano ng pandemiya na ang mga lider na marunong komunsulta ay mas nakatatanggap sa kanilang mga pagkukulang at nakapagtutugon nang mas maayos sa mga hamong kinakaharap nila.

Dismayado ang bise-presidente sapagkat puro insulto ang nagiging tugon sa kanyang mga mungkahi bagama’t idiniing wala siyang kontrol tungkol dito.

“Nakakalungkot, pero tayo sige lang. Hindi tayo nagpapaapekto dun,” wika ni Robredo.

LATEST

LATEST

TRENDING