Duterte, inaming nasa ‘tightrope’ pagdating sa relasyon nito sa China

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes na siya ay nasa isang “tightrope” sapagkat hindi niya kayang komprontahin ang China, na itinuturing niyang “friend”.

Inamin ito ng Pangulo habang idiniing dapat paigtingin ng Pilipinas ang ugnayan nito sa China.

“I am walking on a tightrope actually. I cannot afford to be brave in the mouth against China because we are avoiding any confrontation, a confrontation that would lead to something which we can hardly avoid. At least not at this time,” ani Duterte sa harap ng mga sundalo sa Clark Air Base sa Pampanga.

Ang pahayag ng Pangulo ay matapos lamang tanggihan ng bansa ang paglahok sa naval drills noong nakaraang taon sa West Philippine Sea kasama ang Estados Unidos at iba pang mga kaalyadong bansa.

Sa isang panayam sa ABS-CBN News Channel noong Huwebes, dinipensahan naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang desisyon ng Pilipinas na huwag lumahok sa nasabing naval drills at sinabing may kakulangan aniya sa assets ang bansa upang “tumbasan” ang aktibidad ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Noong Hulyo 12, 2016, nagwagi ang Pilipinas sa isang arbitration case na inihain laban sa China matapos paboran ito ng Hague-based Permanent Court of Arbitration (PCA), kung saan inihayag na walang “legal basis” ang Beijing sa iginigiit nitong historic rights sa halos buong South China Sea.

Gayunpaman, nagpasya ang bansa na resolbahin ang hidwaan sa China sa pamamagitan ng mapayapa at diplomatikong pamamaraan matapos tanggihan ng China ang naging kapasyahan ng PCA.

Samantala, nilinaw naman ni Duterte na bagama’t iniiwasan niya ang posibleng tensyon sa China, hindi siya “kaalyado ninuman.”

Kinokonsidera umano niyang “kaibigan” ang parehong China at US.

Aniya, “Kaibigan ako ng America. Kaibigan ako ng China.”

“I am not against the Chinese, neither the American. Ewan ko. hindi ako pro-American. I am just a Filipino government worker working for the interest of my country,” dagdag pa ng Pangulo.

Idiniin din ng Pangulo na hindi siya makikibahagi sa kahit anumang digmaan, sapagkat hindi umano ito makabubuti para sa bansa.

“Do not be surprised. I am not allied with anybody. I am allied – iaaalay ko ang buhay ko pati ang ally ko ang Pilipinas. Nobody else. Yun ang tandaan niyo,” wika ni Duterte.

LATEST

LATEST

TRENDING