Duterte: Public schools, puwedeng maging Covid-19 vaccination sites

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes na puwedeng magsilbi bilang vaccination centers ang mga pampublikong paaralan kapag umarangkada na ang mass vaccination program laban sa Covid-19.

Ayon sa Pangulo sa isang public briefing, puwedeng gamitin ng local government officials ang mga pampublikong paaralan sa urban areas upang i-accommodate ang immunization programs kung walang ibang angkop na venue gaya ng gymnasiums.

“Wala pa namang klase,” ani Duterte.

Dagdag pa nito, “If there is no malaking mga coliseum or gym, then we will utilize the schools.”

Muli nitong inulit ang kanyang naunang kautusan na maaaring magsilbing vaccination centers ang police stations at military camps sa mga liblib na lugar.

Ayon naman kay Vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., isang retired general, susuportahan din ng military hospitals ang vaccination program sapagkat dito babakunahan ang mga health workers at kanilang pamilya, kasama na rin ang defense at military personnel, pati ang kanilang pamilya.

Aniya, “Nag-usap na po kami ng military na talagang magagamit ‘yung military hospital.”

Sinabi rin ni Galvez na maayos ang kinalabasahan ng rehearsals at simulations ng local government units para sa vaccination rollout, at umaasa siyang magiging matagumpay ang vaccination program ng pamahalaan.

Nauna nang inihayag ng Malacañang na handa na ang bansa na ipatupad ang Covid-19 vaccination drive nito sa susunod na linggo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, darating ang unang batch ng mga bakuna sa gitna ng Pebrero mula sa COVAX Facility.

Nang tanungin kung mag-uumpisa na sa Pebrero 15 ang vaccination, sinabi nitong: “If it (vaccine batch) arrives–and we only need a day or 2 naman to start the vaccination, we will proceed.” 

LATEST

LATEST

TRENDING