China, bukas sa pagbibigay ng karagdagang Covid-19 vaccines sa PH

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Xi Jinping ng China
Larawan mula sa: Reuters

Bukas ang China sa usapin tungkol sa pagbibigay ng karagdagang mga bakuna kontra Covid-19 sa Pilipinas at sa iba pang developing nations, pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian noong Biyernes.

“Of course, we will discuss further in the future— not only through bilateral, but also through multilateral channels— we are doing donation to developing countries,” ani Huang sa isang exclusive interview sa The Source ng CNN Philippines.

Inanunsyo kamakailan ng Foreign Ministry ng China na magbibigay ito ng 10 milyong doses sa COVAX, isang World Health Organization-led initiative na layong tiyakin ang patas na access ng mga bansa sa Covid-19 vaccines.

Ayon kay Huang, bilang miyembro ang Pilipinas sa COVAX channel, posible itong maging benepisyaryo ng mga nasabing Chinese vaccine donations.

Unang nag-alok bilang donasyon ang China ng kalahating milyong vaccine doses sa Pilipinas, base sa anunsyo ni state councilor at foreign minister Wang Yi sa pagbisita nito sa bansa noong nakaraang buwan.

Sinabi naman ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. na ang mga bakuna ay manggagaling sa Sinovac, subalit iginiit ni Huang na wala pang anunsyo tungkol sa partikular na brand na ipadadala.

“We are still consulting your authorities concerned. I think that’s only by then when we have the opinion from your government, we can decide what kind of vaccine will be donated,” sabi ni Huang kaugnay ng required emergency use approval mula sa Food and Drug Administration ng bansa.

Samantala, inaasahan ang pagdating sa bansa ng 5.6 milyong doses ng mga bakuna galing sa COVAX facilitiy sa first quarter ng taon.

Kumpiyansa ang mga opisyal ng pamahalaan na posible nang umarangkada ang vaccination program ngayong Pebrero, kung saan apat na referral hospitals sa Metro Manila ang binabalak na tatanggap sa unang batch ng mga doses.

LATEST

LATEST