Duterte: EU, ‘hinostage’ ang Covid-19 vaccines

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes na hino-hostage ng European Union (EU) ang mga bakuna kontra Covid-19 na gawa sa kanilang rehiyon, at sinabing ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) — kung saan kabilang ang Pilipinas – ay mahina ang impluwensya pagdating sa pagkalap ng mga bakuna.

Hinaharangan aniya ng makapangyarihang regional bloc ang export ng AstraZeneca vaccines na gawang United Kingdom bago matupad ng kumpanya ang mga obligasyon nito sa EU.

“Eh ‘yung AstraZeneca hinostage ng European Union. Iyong ating ASEAN it is not that powerful to have a clout sa mga ganitong ginagawa ngayon. Wala nga eh. Walang supply,” ani Duterte sa kanyang lingguhang taped address kasama ang kanyang Gabinete, bagama’t ilang mga bansa sa ASEAN ang nag-umpisa nang maglunsad ng kani-kanilang vaccination program.

Tinawag kamakailan ng EU ang pansin ng vaccine makers na AstraZeneca at Pfizer kaugnay ng pagkaantala sa delivery ng mga bakuna. Nagbanta naman ang mga opisyal na hihigpitan ang exports at magsasampa ng kaso laban sa mga manufacturers.

Sinuportahan naman ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang paratang ni Duterte, subalit idiniing hindi makakaapekto sa bansa ang “pulitika” ng UK sapagkat ang suplay ng AstraZeneca vaccines para sa Pilipinas ay magmumula sa Thailand at sa Serum Institute of India.

Sinabi naman ni Duterte na ang “greatest disadvantage” umano ng Pilipinas ay hindi ito nakasasabay sa iba pang mga bansa na nag-aalok na bumili ng mga bakuna sa mas mataas na presyo.

Aniya, “Labanan ito ngayon sa highest bidder nga. Kung sino ‘yung makabayad ng una, mag-deposito na, tapos lalo na kung ‘yung bansa na ‘yon ang humihingi ng supply ng vaccine is the country where the factory is located, nauuna talaga sa kanila.”

Samantala, tiniyak ni Finance Secretary Carlos Dominguez na may sapat na pondo ang gobyerno mula sa Asian Development Bank at World Bank na aabot sa P66.2 bilyon, kung saan kaya umano nitong bayaran ang 106 milyong doses ng mga bakuna. Magbabayad din ang bansa nang mahigit P4 bilyon para sa 40 milyong doses ng mga bakuna na mula sa COVAX facility.

Nakatakdang umarangkada ang initial vaccine rollout sa bansa sa dulo ng Pebrero o umpisa ng Marso habang inaasahang makatatanggap ang bansa ng una nitong doses mula sa COVAX facility, isang initiative na pinangungunahan ng World Health Organization.

Hindi bababa sa 117,000 doses ng Pfizer-BioNTech vaccines ang inaasahang darating sa bansa sa ikalawa o ikatlong linggo ng buwan. Posible ring magkaroon ng access ang Pilipinas sa 5.5 hanggang 9.2 milyong doses ng AstraZeneca na gawa sa South Korea sa dulo ng buwan o sa umpisa ng Marso.

LATEST

LATEST

TRENDING