Cha-cha plenary debates, aarangkada sa susunod na linggo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Mag-uumpisa ang plenary deliberations tungkol sa amendments ng economic provisions ng 1987 Constitution sa Kamara sa susunod na linggo, matapos ang pagpasa nito sa constitutional amendments committee.

Ayon kay House panel chair Alfredo Garbin sa isang briefing noong Miyerkules, handa na silang isumite ang committee report hinggil sa proposed amendments ng Resolution of Both Houses 2 sa Committee on Rules upang mai-schedule ang plenary debates. Ang resolusyon ay unang inihain ni House Speaker Lord Allan Velasco.

Aniya, “Umaasa tayo by next week this will be in the plenary. Mahaba ‘yung diskusyon doon, mabibigyan lahat ng pagkakatong magsalita.” 

Aabot sa 64 kongresista ang bumoto para i-adopt ang RBH 2 sa ginanap na committee hearing noong Martes. Tatlo naman ang tumutol habang tatlo ang nag-abstain.

Layunin ng RBH 2 na isingit ang pariralang “unless otherwise provided by law” sa bahagi ng Saligang Batas upang alisin ang restrictive provisions sa ilang bahagi tulad ng national patrimony and economy; education, science and technology, arts, culture and sports; at general provisions ng Konstitusyon. Sinabi ng mga mambabatas na ito ay upang mapaigting ang ekonomiya ng bansa na naparalisa dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.

Napagkasunduan naman ng komite na huwag isama sa resolusyon ang proposed amendment sa Section 7 ng Article 12 na magpapahintulot sa mga banyagang mag-ari ng lupa sa bansa.

Samantala, inamin ni Garbin na wala silang back-up plan sakaling hindi pumasa ang panukala sa Senate plenary. Hindi pa umano nagkakasundo ang dalawang sangay ng Kongreso hinggil sa isyu, subalit umaasa ang Kamara na mapagbibigyan ng Senado ang kanilang proposal.

Kinuwestyon naman ng ilang kritiko, kabilang ang ilang senador, ang timing at paraan sa pag-amyenda sa Konstitusyon. Hindi umano ito naaayon sapagkat kasalukuyang nakikibaka pa ang pamahalaan laban sa pandemiya.

“Under our Constitution, the process of proposing amendments to the Constitution would be by a constituent assembly, by a constitutional convention, or by people’s initiative. The Constitution cannot be amended by mere legislation, ” wika ni Albay Rep. Edcel Lagman noong Miyerkules.

“If you want to liberalize the nationalistic provisions of the Constitution, you should be able to provide the parameters— how long should be the equity, if there is any, or should we remove this specific requirement. But it should not be delegated to the Congress,” dagdag pa nito.

Idiniin naman Garbin na isasaalang-alang nila ang sentimiyento ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagdaraos ng plebesito sa 2022, upang patunayang hindi nila pakikialaman ang political amendments.

LATEST