Mga lalabag sa Child Car Seat Law sa unang 6 buwan, ‘di muna huhulihin ng LTO

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Binigyang diin ng Land Transportation Office (LTO) na magbibigay sila ng palugit upang makapagbigay kaalaman sa mga motorista tungkol sa pagpapatupad ng child car seat law.

“For 6 months, tinatawag po namin na soft approach, magbibigay kami ng mga flyer. Ipinamimigay ng aming enforcers, tapos education campaign, tapos warning,” paliwanag ni Robert Valera, deputy director ng LTO Enforcement Service.

“Hindi po kami manghuhuli within 6 months, wag kayong mag-alala. Ie-educate namin kayo at inaayos na namin ang aming inspection protocols,” dagdag pa ng opisyal.

Sa isang panayam sa TeleRadyo noong Martes, binanggit ni Valera na ipatutupad nila nang mahigpit ang nasabing batas paglipas ng anim na buwan, kung saan magbibigay ang ahensya ng ticket at show cause orders sa mga mahuhuling lalabag sa batas.

Nag-umpisa noong Pebrero 2 ang implementasyon ng Republic Act 11229 o ang Child Safety in Motor Vehicles Act kung saan ipinag-uutos para sa mga batang edad 12-anyos pababa ang pag-upo sa wastong car seats habang bumibiyahe sa loob ng pribadong sasakyan.

“Private vehicles muna. Binibigyan kami ng Kongreso ng isang taon na pag-aralan po ito at saka magbibigay tayo ng recommendation kung puwede silang isama na,” wika ni Valera.

Sa datos aniya ng Philippine Statistics Authority, mula 2006 hanggang 2015, pinakamalaking casualty umano sa mga aksidente sa kalsada ang mga bata.

Ipinagbabawal din para sa mga batang edad 12-anyos pababa ang pag-upo sa harapan ng sasakyan.

Aniya, “Ang mga bata mahina po ang kanilang neck muscle at saka ‘yung katawan nila. Kapag nabunggo sasakyan na ‘yan lalabas air bag mababali leeg nila kaya nakakatakot po ‘yan.”

Pagmumultahin naman ang mga drayber, manufacturers, distributors na lalabag sa car seat law.

Dahil dito, nagpayo si Valera na busisiing mabuti ang car seat bago bilhin sapagkat mayroon din umanong iba na may expiration.

Aniya, “May car seat na may expiration at may car seat na wala. ‘Yung may expiration ‘yun ang bawal ibenta. ‘Yung wala, iniinspeksiyon ng LTO yan.”

LATEST

LATEST

TRENDING