Robredo, humanga sa ‘malakas’ na ‘sense of accountability’ ni Magalong

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Para kay Pangalawang Pangulo Leni Robredo, ang pagbibitiw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang contact tracing czar ay isang mabuting halimbawa para sa mga opisyal ng pamahalaan kaugnay ng accountability.

Sa kanyang radio program noong Linggo, binigyang pugay ni Robredo ang “malakas” na “sense of accountability” ni Magalong matapos itong umani ng pambabatikos dahil sa pagdalo sa isang birthday bash sa isang hotel sa Baguio City kasama ang iba pang celebrities na lumabag sa Covid-19 health protocols.

“Bilib naman ako kay Mayor Magalong na malakas ‘yung sense of accountability. Iyong sa akin nga, kung meron mang nagawang lapse, iyong response, dapat ganito ‘yung response ng mga public officials na nalalagay sa ganitong situation,” giit ni Robredo.

Dagdag pa nito, “Kapag ganito ang mga public officials, ‘yung respeto ng tao sa institusyon mabu-boost, na ‘yung kapag may kasalanan, inaako ‘yung kasalanan, walang pagdepensa sa sarili.” 

Gayunpaman, nilinaw ng pangalawang pangulo na hindi niya dinidipensahan ang alkalde sa pagdalo nito sa birthday celebration ng celebrity na si Tim Yap. Pinaulanan ng kaliwa’t kanang pambabatikos ang nasabing event dahil sa umano’y “double standards” hinggil sa implementasyon ng health protocols.

Aniya, “Hindi natin sinasabing wala siyang lapse kasi siya nga mismong nagsabing meron, pero ‘yung response niya dun sa lapse, tingin ko na ito ‘yung dapat.”

Naghain ng resignation letter si Magalong noong Enero 28, kung saan inilahad ng contact tracing czar na “several lapses in protocol were committed” at idiniin na “a higher standard is always expected” mula sa kanya.

Naglipana ang mga larawan at video sa social media na nagpapakita kay Yap at iba pang personalidad na hindi nakasuot ng face masks at face shield – isang paglabag sa ordinansa ng lungsod kung saan may multa ng hindi bababa sa P1000. Sinabihan umano ni Magalong ang kanyang asawa, na dumalo rin sa naturang party, na magbayad.

Subalit, inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Biyernes na tinanggihan ng Malacañang ang resignasyon ni Magalong.

Ayon kay Roque, ang “mere attendance” ni Magalong ay hindi nangangahulugang may pananagutan siya rito.

LATEST

LATEST