Panelo: Skyway 3, nakumpleto dahil sa ‘political will’ ng Duterte admin

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Metro Manila Skyway Stage 3 Project

Habang kinilala na sinimulan ang Metro Manila Skyway Stage 3 (MMSS-3) Project noong nakaraang administrasyon, iginiit ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo noong Linggo na nakumpleto ang nasabing proyekto bagama’t may pandemiya dahil sa “political will” ng administrasyong Duterte.

“Kaya lang nagawa ‘yan dahil sa tinatawag na political will, determinasyon, pati hard work ng ‘Build, Build, Build’ team at saka ng buong administrasyong Duterte,” ani Panelo sa kanyang commentary show na Counterpoint sa TV-4.

Ayon kay Panelo, ang right-of-way reforms na isinagawa sa ilalim ni Department of Public Works and Highways Secretary (DPWH) Mark Villar ang susi sa pagpapatupad ng proyekto.

Aniya, “Yung Skyway Stage 3, hindi ‘yun nakumpleto using its original alignment na inaprubahan nung 2014 kasi nga may mga problema sa right-of-way. Kaya medyo binago, ni-realign diyan sa may San Juan River. At ito’y napagkasunduan nila nung 2018, Oktubre.”

Kinailangang mag-relocate ng ahensya ng 47 National Grid Corporation poles at 1,312 Manila Electric Company poles upang maisakatuparan ang proyekto. Bago ang 2017, 8.64 percent lamang ng right-of-way ang na-acquire.

“May mga nagsasabi e kay PNoy naman ‘yan ah. Nagsimula nga dun, pero ang problema nga, hindi nga mag-take off kasi 8.64 percent lamang yung dapat mong lalagyan… so how can you construct? ‘Yun ang ginawa ng paraan ni Secretary Mark Villar,” paliwanag ni Panelo.

Ang alignment ng Skyway Stage 3 ay ni-realign upang masundan ang San Juan River noong Oktubre 2018 sapagkat hindi feasible ang orihinal na alignment.

Ang MMSS-3 Project, na hinati-hati sa limang sections sa construction nito, ay isang elevated 18.83-kilometer expressway mula Buendia, Makati City hanggang North Luzon Expressway (NLEX) sa Balintawak, Quezon City. Kinokonekta ng expressway project ang NLEX at South Luzon Expressway.

Inaasahan din itong makapagpapagaan sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing daanan ng Metro Manila nang hanggang sa 55,000 na mga sasakyan bawat araw.

Mababawasan din ang travel time mula Buendia hanggang Balintawak mula dalawang oras sa tinatayang 15 hanggang 20 minuto.

LATEST

LATEST