Mga opisyal ng gobyerno, dapat isapubliko ang Covid-19 vaccination, giit ng eksperto

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Getty Images

Kinakailangang isapubliko ng lahat ng mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang vaccination kontra Covid-19, giit ng isang dalubhasa.

Ayon kay Dr. Leo Olarte, dating pangulo ng Philippine Medical Association, ito ay upang mapawi ang anumang agam-agam ng taumbayan tungkol sa epekto ng mga bakuna.

Aniya, “You have to set an example. Magpabakuna tayo in public. Cabinet members, mga mayors natin, senador. That is a very big influencing factor for the public to follow.”

Noong nakaraang linggo, inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na isasapubliko ang pagbabakuna kontra Covid-19 ni Pangulong Rodrigo Duterte sapagkat sa puwet niya ito isasaksak.

Ayon naman sa isang survey ng Pulse Asia kamakailan, halos kalahati ng mga Pilipino ang ayaw magpaturok ng bakuna kontra Covid-19.

Sang-ayon naman si Olarte na ang pagbabakuna lamang ang paraan upang makamit ng populasyon ang herd immunity. Dapat din aniyang ipaliwanag nang maayos ang kahalagahan ng pagbabakuna at mga posibleng side effects nito.

Kinakailangan din umanong isaalang-alang ang edad ng tao sa bakunang gagamitin dito.

“‘Yong Pfizer and Moderna, ang nagdadala diyan ‘yong messenger RNA, maganda para sa mga pasyente, 18-65 years old… ang kanilang immune system kasi malakas,” sabi ni Olarte.

“Beyond 65, ang magandang vaccine na gagamitin ‘yong AstraZeneca, Sinovac, Sinopharm, kasi mga attenuated virus,” dagdag pa ng eksperto.

.

LATEST

LATEST