Duque, sinabihan ang mga frontliners ng PGH na huwag maging mapili sa Covid-19 vaccine

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Health Secretary Francisco Duque III

Sinabihan ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga empleyado ng mga ospital sa Metro Manila na huwag maging mapili sa bakuna kontra Covid-19.

Dapat umanong pagkatiwalaan ng mga empleyado ang proseso ng pamahalaan sa pagpili ng bakuna, giit ng kalihim noong Biyernes.

“Wag lang po tayong mamimili kung anong bakuna. Because dito po, ang bakuna, basta’t dumaan po ito sa pagsusuri ng ating DOST vaccine expert panel, at matapos ang ating single joint review ethics board, at tapos ipapasa po yung listahan ng mga bakunang nasuri, ang FDA naman ang siyang magbibigay ng emergency use authorization,” paliwanag ni Duque.

Makakukuha umano ang mga bakuna ng regulatory at technical evaluation bago ang issuance ng emergency-use authorizations, at kinakailangang pumasa ang mga ito sa isasagawang review ng Health Technology Advisory Council.

Bilang pagtugon, sinabi ni UP-PGH director Dr. Gerardo Legaspi na sumulat siya sa mga empleyado ng PGH dalawang linggo na ang nakalilipas upang ipaliwanag ang vaccine program at hikayatin ang mga ito na pagkatiwalaan ang prosesong isinasagawa ng Food and Drug Administration o FDA.

“Sa huling parte ng sulat na ito, sinabi ko na tayo’y magtiwala sa bakunang aaprubahan ng FDA. Pagka ito’y in-approve ng FDA, safety and efficacy are already assured,” wika ni Legaspi.

Wala umanong dahilan upang pagdudahan ang findings ng vaccine expert panel sapagkat “mayorya” ng mga ito ay nagmula sa PGH.

Aniya, “I think we have committed to the fact that whatever comes out, we will take it as a vaccine for PGH.”

Tiniyak naman ni Duque sa PGH ang “unwavering support” ng Department of Health (DOH) habang inilarawan ang ospital bilang isa sa mga pinakamagagandang coronavirus referral hospitals sa bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING