House minority leader, walang nakikitang mali sa ‘Duterte-Duterte’ tandem sa 2022

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio
Kuha ni: Karl Norman Alonzo (Presidential Photo)

Walang nakikitang mali si House Minority Leader Stephen Paduano tungkol sa posibleng ‘Duterte-Duterte’ tandem sa darating na 2022 elections, sapagkat may karapatan aniya ang bawat mamamayan na tumakbo para sa posisyon sa pamahalaan.

“We have all the right, and it is also the right of whoever that will want to tandem, even father and daughter tandem, for as long as they are qualified,” ani Paduano sa isang briefing ng Minority bloc.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang isang indibidwal ay maaaring maging Pangulo kung pasok siya sa mga sumusunod na requirements: natural born Filipino, registered voter, nakapagbabasa at nakapagsusulat, edad 40-anyos sa araw ng halalan, at nanirahan sa Pilipinas nang sampung taon bago ang halalan.

Ayon sa mga ulat, sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa isang forum kamakailan na hindi iligal ang tandem ng mag-amang Duterte para sa 2022 elections.

Paulit-ulit namang inabisuhan ng pangulo ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na huwag tumakbo sa pagka-presidente sapagkat hindi ito “pambabae”.

Nanguna naman sa isang survey kamakailan si Mayor Duterte-Carpio tungkol sa mga kandidatong pinagpipilian sa pagka-pangulo sa 2022. Subalit, iginiit nitong nais niyang tanggalin ang kanyang pangalan sa mga kaparehong surveys sa hinaharap.

Para naman kay Marikina Rep. Stella Quimbo, mahalagang magkaroon ng “more informed choices” at dapat pumangalawa lamang ang pangalan.

Sinabi naman ni Magsasaka Party-list Rep. Argel Cabatbat na susuportahan nila ang kandidatong makatutulong sa kanilang mga stakeholders.

Ayon naman kay Gabriela Part-list Rep. Arlene Brosas, sa halip na magpokus sa halalan, mas mainam umanong resolbahin muna ang mga kasalukuyang bumabagabag na isyu sa bansa lalo na ang Covid-19 pandemic.

“Dapat mamulat ang taong bayan na kailagan nila ng mga mamumuno na tutugon sa mga pangangailangan natin ngayon,” diin nito.

LATEST

LATEST