Pasig, naging unang LGU na may aprubadong Covid-19 vaccination plan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pasig City Mayor Vico Sotto
Kuha ni: Lisa Marie David (Rappler)

Ang Pasig City ang naging kauna-unahang local government unit (LGU) sa bansa na nakatanggap ng approval para sa Covid-19 vaccination plan nito.

Inanunsyo ito ni Pasig City Mayor Vico Sotto noong Martes matapos bisitahin ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic team ang lungsod para sa briefing tungkol sa proposed local immunization program. Kabilang dito si Vaccine czar Carlito Galvez Jr., na pinuri ang naging preparasyon ng Pasig, at sinabing puwede itong maging modelo para sa ibang LGUs.

“I was told that Pasig is the first LGU with a DOH (Department of Health)/WHO (World Health Organization)-approved vaccination plan!” ani Sotto sa isang social media post.

“Our LGU’s Beat Covid-19 Task Force will continue to work with our national government agencies, WHO, private medical institutions, and NGOs. They have been with us every step of the way,” dagdag pa ng alkalde.

Base sa plano ng lungsod, mauunang bakunahan ang tinatayang nasa 5,930 frontline health workers ng Pasig.

Susunod naman sa mga ito ang indigent senior citizens, natitirang senior citizens, natitirang indigent population (kasama ang persons with disabilities), at uniformed personnel. Ayon sa estimates ng LGU, may 80,000 senior citizens sa siyudad, 107,291 indigents, at 2,691 uniformed personnel.

Naglaan ang pasig ng ₱300 milyon para sa vaccination ng mga residente nito. Nakapagtiyak na ito ng 400,000 doses mula sa British-Swedish drug maker na AstraZeneca, na makatutugon sa 200,000 katao.

Samantala, tinukoy naman bilang vaccination sites ang 16 paaralan, 5 ospital, at ang Tanghalang Pasigueño. Ang bawat site ay pangangasiwaan ng isang team na bubuuin ng hindi bababa sa 74 medical at non-medical personnel.

Magpapatupad din ng pre-vaccination plans ang lungsod, na kinabibilangan ng information dissemination, pati na rin ang post-vaccination measures, na nakatuon sa monitoring ng mga nabakunahan para sa posibleng adverse effects.

LATEST

LATEST