Pahayag ng PhilHealth president na ‘liquidated’ na ang ninakaw na P15-B pondo ng ahensya, pinuna

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Kinuwestyon ng dalawang mambabatas noong Miyerkules ang kamakailang naging pahayag ni PhilHealth President at CEO Dante Gierran na ang naiulat na ninakaw n P15 bilyong pondo ng ahensya ay “liquidated” na.

Sa isang pahayag noong Miyerkules, iginiit ni Sen. Panfilo Lacson na ang “liquidated” funds ay hindi nangangahulugang na-disburse ito nang ligal noong umpisa.

“If public funds were spent not for Covid-19 as required under the IRM (interim reimbursement scheme), but for dialysis centers and infirmaries which are clearly not authorized, it can still be declared as liquidated, but it doesn’t mean that funds were legally disbursed,” paliwanag ng senador.

Ito aniya ang dahilan kung bakit sinampahan ng kaso ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng PhilHealth.

Noong Martes, sinabi ni Gierran sa isang Malacañang briefing na hindi nawala kailanman ang nasabing pondo at nasa 92% na aniya ang liquidation nito.

Aniya, “Sa totoo lang po, hindi nawawala, nandyan lang. On record po, ang utos ng Senado tsaka ng lower House, sabi i-liquidate. Sa ngayon po, 92% na ang liquidated. Kakaunti na lang po.”

Ayon naman kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate, ang naturang “liquidation” ay hindi “magbubura sa pagiging maanomalya ng pondo.” Nanawagan din ito sa Commission on Audit na magsagawa ng special audit tungkol sa isyu.

“The ₱15B involved in this case is even much bigger than the ₱10B Napoles pork barrel scam. A deeper investigation or audit must be conducted and those responsible be made accountable, especially since PhilHealth is again planning to hike the contribution of its members,” ani Zarate.

Binatikos ang PhilHealth matapos sabihin ng isa nitong dating opisyal noong Agosto 2020 na ninakaw ng “mafia” ang aabot sa P15 bilyong pondo nito sa pamamagitan ng iba’t-ibang modus.

Dahil dito sinampahan ng kasong kriminal at administratibo ang dati nitong pangulo na si Ricardo Morales at iba pang mga opisyal ng ahensya.

LATEST

LATEST

TRENDING